Home METRO Construction worker na most wanted, nalambat sa Pasay

Construction worker na most wanted, nalambat sa Pasay

191
0

MANILA, Philippines – Arestado ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Pasay City Police ang isang construction worker na tinaguriang top 8 most wanted person (MWP) noong Huwebes ng hapon, Pebrero 26.

Kinilala ni Pasay City Police chief P/Col. Joselito De Sesto ang nadakip na suspek na si alyas Pedro, 57, residente ng Barangay 148, Zone 16, Pasay City.

Ayon kay De Sesto, naisakatuparan ang pag-aresto kay alyas Pedro bandang alas-1:00 ng hapon sa Pasay City Public Cemetery na matatagpuan sa Sgt. Mariano Street, Brgy. 148, Zone 16, Pasay City.

Sinabi ni De Sesto na naging matagumpay ang pagdakip sa suspek sa bisa ng isinilbing warrant of arrest noong Pebrero 25, 2026 na inisyu ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Marjury Almojera Madrid-Songgadan ng Branch 117, na walang kaakibat na rekomendasyon ng piyansa.

Makaraan ang pag-aresto kay alyas Pedro, na inakusahang lumabag sa Section 5, Article II ng R.A. No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), nai-turn over ang suspek sa Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Pasay City Police habang hinihintay ang paglabas ng kautusan ng korte para sa paglipat ng kanyang pakukulungan sa Pasay City Jail.

(James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here