MANILA, Philippines – Itinanggi ng Malacañang nitong Biyernes na may kinalaman ang umano’y hindi pagkakaunawaan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Sen. Imee Marcos sa kawalan ng presidential security detail ng senadora.
“Wala pong kinalaman iyon,” pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing nang tanungin kung ang rift ng magkapatid ang dahilan ng kawalan ng security personnel para sa senadora.
Binigyang-diin ni Castro na hindi nagre-react nang negatibo ang Pangulo laban sa kanyang kapatid.
“Hindi po ganoon ang Pangulo, kahit nga po kung anu-ano man ang sinasabi laban sa kaniya ng sarili niyang kapatid, hindi po nagri-react ang Pangulo na negatibo sa kaniyang kapatid,” aniya.
Nang tanungin kung maaaring tinanggihan ni Sen. Marcos ang security detail mula sa Presidential Security Command (PSC), sinabi ni Castro na mas mainam na sa mismong senadora itanong ito.
Sa confirmation hearing noong Miyerkules sa Commission on Appointments, ibinunyag ni PSC commander Rear Adm. Andro Val Abayon na walang nakatalagang security personnel para sa nakatatandang kapatid ng Pangulo. Ayon sa kanya, agad niyang ipinag-utos ang pagrepaso sa security plans at close-in security deployment ng PSC nang maupo siya sa posisyon tatlong buwan na ang nakalilipas.
Dumalo si Sen. Marcos sa naturang pagdinig bilang miyembro ng Commission on Appointments ngunit hindi nagbigay ng komento hinggil sa usapin. RNT