MANILA, Philippines – Nagsagawa ng imbestigasyon ang Department of Agrarian Reform (DAR) kaugnay ng land conversion ng Bocobo at Morales estates sa Barangay Cut-Cut I, Capas, Tarlac matapos makatanggap ng ulat hinggil sa umano’y paglabag at isyu sa pagsunod sa mga batas ng agrarian reform.
Sa inilabas na pahayag nitong Biyernes, sinabi ng DAR na iniutos ni Secretary Conrado Estrella III ang komprehensibong pagsusuri matapos ang mga ulat ng posibleng land-grabbing na sangkot ang mahigit 187 ektaryang lupa na iginawad noong 1996 sa mga magsasaka sa pamamagitan ng Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) at Emancipation Patents (EPs).
“Our duty is clear: protect our farmer-beneficiaries and uphold the law—no matter when these issues happened,” ani Estrella.
Nagsimula ang isyu noong 2000 nang ibenta ng ilang benepisyaryong magsasaka ang kanilang lupa sa Kung Meng Sheng Tao, Inc. (KMSTI), na nagbunsod ng legal na sigalot sa pagmamay-ari at bisa ng mga transaksiyon.
Batay sa mga rekord, habang nakabinbin sa DAR Adjudication Board (DARAB) sa Tarlac ang kasong inihain ng Bocobo Estate para ipawalang-bisa ang mga titulo ng mga magsasaka, naghain naman ang KMSTI ng aplikasyon para sa conversion ng 137 ektarya ng lupa. Inaprubahan ito ng DAR noong 2003 sa pamamagitan ng Order of Conversion na nag-reclassify ng bahagi ng agricultural land para sa non-agricultural use.
Ayon sa DAR, may mga probisyon ang naturang order upang mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Noong 2005, unang pinawalang-bisa ng DAR-Tarlac ang mga titulo, subalit kalaunan ay ibinasura ng korte ang kaso sa teknikal na dahilan nang hindi tinatalakay ang merito nito.
“KMSTI filed a motion for reconsideration of the decision rendered by the DARAB and dismissed the complaint filed by BOCOBO ESTATE for lack of jurisdiction. BOCOBO filed a case for certiorari before the Appellate Court, which was dismissed due to a technicality without resolving the merits of the case,” ayon sa DAR.
Sa isinagawang site inspection, iniulat ni DAR Region 3 Director Eric Luna na walang nakitang farming activities at wala ring agrarian reform beneficiaries sa lugar, at isang maliit na opisina lamang ang naitayong istruktura.
Sinabi ng DAR na patuloy ang review upang matukoy kung ang conversion ay sumunod sa mga legal na rekisito, kabilang ang land-use limitations, compensation, at social safeguards.
Anumang paglabag sa Order of Conversion ay maaaring magresulta sa kaukulang administrative action. Santi Celario