MANILA, Philippines – Pinatindi ng Philippine National Police (PNP) ang mga anti-terror measures matapos ang pag-aresto ng umano’y kasapi ng lokal na grupo ng terorismo na konektado sa 2018 bombing sa General Santos City.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ipinapakita ng pagkakahuli ng suspek sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 noong Pebrero 25 na nananatiling alerto ang mga awtoridad.
Kinilala ang suspek bilang miyembro umano ng Dawlah Islamiyah–Maguid Group, na inaresto ng National Bureau of Investigation sa koordinadong operasyon kasama ang PNP Criminal Investigation and Detection Group at Intelligence Group.
“Our assessment indicates no imminent threat in General Santos City. However, hindi tayo nagiging kampante. Continuous ang monitoring at intelligence operations natin,” ani Nartatez.
Ang pag-aresto ay base sa warrant mula sa Regional Trial Court Branch 23 sa General Santos City para sa multiple counts of frustrated murder. Ang suspek ay inugnay sa IED attack noong 2018 sa isang commercial area ng GenSan na nagtamo ng walong sugatan, kabilang ang tatlong taong gulang na bata.
“The capture of the suspect at our nation’s gateway proves that there is no hiding from the law. This arrest is a major step in giving justice to the victims of the 2018 GenSan bombing,” dagdag niya.
Ayon kay Nartatez, ang pagkakahuli ay hindi nangangahulugang muling lumakas ang grupo, kundi patunay na vigilant pa rin ang mga awtoridad sa pagtukoy sa natitirang miyembro. Dagdag pa niya, patuloy ang visibility patrols, intelligence coordination, at deployment ng security forces sa key areas at transport hubs, habang ang publiko ay maaaring magpatuloy sa normal na gawain nang walang pangamba. RNT/MND