Home METRO Grade 9 stude sa Maynila, bugbog-sarado sa selos

Grade 9 stude sa Maynila, bugbog-sarado sa selos

174
0

MANILA, Philippines – Sugatan ang isang Grade 9 na estudyante matapos umanong bugbugin ng ilang indibidwal sa Sampaloc, Maynila dahil umano sa selos, ayon sa barangay officials.

Nangyari umano ang insidente sa harap mismo ng Barangay Hall ng Barangay 520 noong Pebrero 26.

Sa ulat, naglalakad ang biktima na mag-isa nang biglang lapitan at paulit-ulit na suntukin ng dalawang lalaki.

Sa isang video footage, makikita na kahit bumagsak na ang biktima, patuloy pa rin siyang sinaktan habang may ilang babaeng estudyante na nagtangkang umawat.

Isang babae rin ang nakitang tumakbo papunta sa insidente ngunit sa halip na umawat ay sangkot din sa insidente.

Napansin din na may pinulot ang babae na nahulog mula sa isa sa suspek na kalaunan ay napag-alamang isang ice pick.

Dumating din ang isa pang estudyante at sinipa umano ang mukha ng biktima bago tumakas ang grupo nang makita ang paparating na barangay personnel.

Sinabi ng barangay na ang motibo ng insidente ay selos.

Kasalukuyang nasa ospital ang biktima dahil sa mga tinamong sugat.

Tatlo sa apat na suspek ang boluntaryong dinala ng kanilang mga magulang sa barangay, dalawa sa kanila ay mga nasa hustong gulang.

Dinala na ang mga suspek sa Sampaloc Police Station at kasalukuyang inihahanda ang mga kaukulang kaso.

Maaaring maharap din sa kaso ang menor de edad na ex-boyfriend ng biktima, at susuriin kung may discernment siya.

Patuloy namang hinahanap ang lalaking sumipa umano sa biktima.

Ayon sa barangay, madalas ang away ng mga estudyante sa lugar dahil sa dami ng eskuwelahan.

Bagamat regular ang pagpapatrolya ng pulisya, iminungkahi nilang magtayo ng police posts malapit sa mga paaralan upang maiwasan ang ganitong insidente.

Wala pang pahayag ang Manila Police District tungkol sa insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here