UNITED ARAB EMIRATES – Tinarget ng Iranian missiles ang ilang Gulf Arab states nitong Sabado, Pebrero 28 kasunod ng pangako ng Tehran na gaganti sa mga naging strike ng Estados Unidos at Israel.
Ayon sa state media, isa ang nasawi sa Abu Dhabi sa naturang missile attack bagamat hindi pa nagbigay ng buong detalye.
Sinabi rin ng Kuwait, Qatar, UAE, at Jordan, mga bansang mayroong presensya ng US military, na naharang nila ang mga Iranian missile.
“All occupied territories and the criminal US bases in the region have been struck by the powerful blows of Iranian missiles. This operation will continue relentlessly until the enemy is decisively defeated,” sinabi ng Revolutionary Guards ng Iran.
Samantala, kinumpirma rin ng Bahrain ang pag-atake sa loob ng teritoryo nito at sinabing tinamaan ang service center ng US Fifth Fleet.
Sa Qatar, sinabi ng military na na-intercept ng mga ito ang paparating na Iranian missiles bago pa umabot sa Qatari territory matapos ang “joint coordination”.
Ganito rin ang sinabi ng Kuwaiti army kung saan hinarang nila ang mga missile sa Kuwaiti airspace, habang napabagsak ng Jordan ang dalawang Iranian ballistic missiles. RNT/JGC