Home HOME BANNER STORY Pagkamatay ng Filipina caregiver sa airstrike sa Israel, kinumpirma ni PBBM

Pagkamatay ng Filipina caregiver sa airstrike sa Israel, kinumpirma ni PBBM

203
0

MANILA, Philippines – Patay ang isang Filipina caregiver sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Linggo, Marso 1.

Sa video message na inilabas sa Facebook, sinabi ni Marcos na ang Filipina caregiver na si Mary Ann Velasquez De Vera, tubong Pangasinan, ay nasawi sa airstrike.

“Siya po ay isang caregiver sa Israel na tinutulungan ang kanyang alaga para dalhin sa bomb shelter ngunit hindi na po nakaabot sa bomb shelter at inabutan na sila bago sila nakarating,” sinabi ng Pangulo.

“Siya ay namatay dahil tinamaan ng shrapnel ng mga bumagsak na bomba. Na-identify na po siya ng kanyang asawa na isang OFW din na nagtatrabaho sa Israel,” dagdag pa.

Samantala, sinabi ng Philippine Embassy sa Israel na si De Vera, 32-anyos, ay mula sa Basista, Pangasinan.

Idinagdag pa na ito ay nagtatrabaho sa Israel mula pa noong 2019.

“Her identity was confirmed through biometric records at the Abu Kabir Forensic Institute, where her husband, who also works in Israel, positively identified her remains,” saad sa pahayag ng Philippine Embassy sa Israel.

Siniguro naman ni Marcos na magbibigay ang pamahalaan ng lahat ng tulong para sa pamilya ng biktima.

Matatandaan na naglunsad ang Estados Unidos at Israel ng joint military operations laban sa Iran noong Sabado na nagpatindi ng tensyon sa rehiyon.

Gumanti naman ang Iran sa pamamagitan ng missile strike sa Israel. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here