Home NATIONWIDE P112M tobats nasabat sa pasaherong Malaysian national sa NAIA

P112M tobats nasabat sa pasaherong Malaysian national sa NAIA

135
0

MANILA, Philippines – Sa isinagawang interdiction operation ng mga operatiba ng Ninoy Aqino International Airport – Inter-Agency Drugs Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ay nadakip ang isang Malaysian national na nagtangkang magpuslit sa airport ng mahigit P112,000,000 halaga ng shabu bago maghatinggabi ng Sabado, Pebrero 28.

Kinilala ng IADITG ang inarestong suspek na si Yap Hong Peng, 23, Malaysian national at isang car decorator.

Base sa inisyal na report ng IADITG, naganap ang pag-aresto sa suspek bandang alas 11:55 ng gabi sa Customs Inspection Area, Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 1, Pasay City.

Napag-alaman na pasaherong paparating sa bansa ang suspek na lulan ng Malaysian Airlines Flight MH0804 mula Kuala Lumpur kung saan nadiskubre ang tangkang pagpupuslit ng shabu na nakapaloob sa kanyang dalang kulay pula at kulay kayumanggi na maleta.

Sa kulay pulang maleta ay naglalaman ito ng walong wooden box na tinakpan ng bubble wrap kung saan nakalagay ang isang bote ng wine at dalawang transaprent plastic bag na nakabalot sa loob ng isa pang wooden box na ang bawat isa ay mayroong 518 gramo ng hinihinalang shabu.

Sa pagbubukas ng ikalawang maleta na kulay kayumanggi ay mayroon din itong walong wooden box na tulad ng naunang binuksan na maleta ay tinakpan din ito ng bubble wrap ang bote ng wine at dalawa ring transaprent plastic bag na nakapaloob sa mga wooden box na nag bawat isa ay mayroon ding laman na 516 gramo ng hinihinalang shabu.

Sa kabuuan ay nakakumpiska ang NAIA-IADITG sa suspek ng mahigit 16 kilo o 16,526 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halaga na P112,376,800.

Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA laboratory service para isailalim sa laboratory examination habang nasa kustodiya naman ngnabanggit na ahensya ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4 Art. Il ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang IADITG ay binubuo ng mga ahensya ng PDEA RO NCR na siyang namuno sa operasyon; Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at ng Bureau of Immigration (BI). James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here