Home NATIONWIDE Mga mananampalataya hinikayat, manalangin sa paghupa ng tensyon sa Middle East

Mga mananampalataya hinikayat, manalangin sa paghupa ng tensyon sa Middle East

160
0

MANILA, Philippines- Hinikayat ng mga lider ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas ang mga mananampalataya na magdasal at manatiling may pag-asa sa gitna ng tumitinding tensyon sa militar sa Gitnang Silangan.

Sa isang post sa social media, nanawagan si Antipolo Bishop Ruperto Santos sa mga mananampalataya na panatilihin ang kanilang dedikasyon sa kapayapaan, katarungan, at pagkakasundo.

Ayon kay Santos, ang mga tunggalian sa pagitan ng mga bansa ay hindi lamang nagpapahina sa mga apektadong lugar kundi nagbabanta rin sa pandaigdigang kapayapaan at naaapektuhan ang mga tao ng iba’t ibang pananampalataya.

Pinaalalahanan din niya ang mga Pilipino sa apektadong lugar na manatili sa ligtas na lokasyon, iwasan ang hindi kailangang paglalakbay, at sundin ang mga abiso ng mga awtoridad.

Nagbahagi rin ang Obispo ng isang panalangin para sa kapayapaan sa Gitnang Silangan.

Samantala, hiniling ng Archdiocese of Manila na isama ang intensyon para sa kapayapaan sa Gitnang Silangan sa “Prayer of the Faithful” sa bawat misa simula Linggo.

Sa isang circular memorandum, hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga mananampalataya na magdasal ng rosaryo para sa kapayapaan at pagkakasundo.

Ang panawagan ay kasabay ng apela ni Apostolic Vicar ng Southern Arabia Paolo Martinelli, OFM, na manatiling nagkakaisa sa panalangin para sa kapayapaan sa kabila ng patuloy na pag-atake sa rehiyon.

Noong Sabado, nagsagawa ang Estados Unidos at Israel ng airstrikes sa Iran, kung saan inakusahan ni US President Donald Trump ang Tehran na patuloy sa pag-develop ng nuclear program nito.

Kinumpirma ng Israel na naglunsad ito ng panibagong pag-atake noong Linggo.

Samantala, sinabi ng mga awtoridad ng Iran na sila ay gaganti.

Ayon sa Department of Migrant Workers, nananatiling ligtas ang mga Pilipino sa rehiyon sa kabila ng mga pag-atake. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here