MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado nitong Lunes ang panukalang batas na nagre-reset sa unang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre 2026.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1823 na inisponsor ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, itinakda ang unang regular na halalan ng Bangsamoro Government sa ikalawang Lunes ng Setyembre 2026 at tuwing ikatlong taon pagkatapos nito.
Ayon sa panukala, mananatiling magsisilbi ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) bilang interim government sa pinalawig na transition period, maliban kung papalitan ng Pangulo ang mga miyembro nito o kung mapuputol ang kanilang termino dahil sa pagkakahalal sa ibang posisyon.
Gagamitin din sa unang BARMM Parliamentary Election ang automated election system na ginamit noong Mayo 12, 2025 national at local elections. Makaboboto ang mga kwalipikadong rehistradong botante sa mga presinto sa loob ng BARMM batay sa pinakahuling Election Registration Board hearing.
Ang mga mahahalal sa unang BARMM Parliamentary Election ay manunungkulan simula alas-dose ng tanghali sa Oktubre 30 kasunod ng kanilang pagkakahalal.
Ang pondo para rito ay kukunin mula sa kasalukuyang appropriations ng Commission on Elections o sa anumang available appropriations na itutukoy ng Department of Budget and Management, at isasama ang susunod na pondo sa taunang General Appropriations Act.
Sa kanyang explanation of vote, nagpahayag ng suporta si Senator Joel Villanueva at pinuri si Zubiri.
“This measure is not about delaying democracy, rather, it is about strengthening it. Let us view this reset as a commitment to genuine democracy, one where the people of BARMM are able to participate fully, fairly, and confidently in choosing their leaders,” ani Villanueva. RNT