ISTANBUL — Tinarget ng Iran ang hindi bababa sa anim na pasilidad militar ng Estados Unidos sa Middle East nitong weekend matapos maglunsad ng pag-atake ang Washington at Tel Aviv laban sa Iran, ayon sa pagsusuri ng The New York Times na nakabatay sa satellite images, beripikadong video, at pahayag ng US military.
Tinamaan ang mga pasilidad sa Bahrain, Iraq, at United Arab Emirates, pati ang tatlong lokasyon sa Kuwait. Hindi pa malinaw kung ilang sandata ang pinakawalan ng Iran o ilan ang na-intercept, ngunit nagdulot ang mga pag-atake ng pangamba sa kakayahan ng mga base na depensahan ang sarili laban sa susunod na paglusob.
Sa Kuwait, iniulat ng mga opisyal ng US na tatlong service member ang nasawi at lima ang malubhang nasugatan sa pag-atake sa Camp Arifjan, bagama’t wala pang inilalabas na larawan ng insidente. Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa iba pang limang site.
Kabilang sa mga tinamaan ang punong himpilan ng US Navy’s Fifth Fleet, mga air base, kampo militar, at isang naval recreation facility. Ilang gusali ang nasira o nawasak, kabilang ang satellite communications systems.
Noong Sabado, tinamaan ng Iran ang headquarters ng US Navy’s Fifth Fleet sa Manama, Bahrain, na nagdulot ng malaking pinsala sa ilang istruktura. Ipinakita sa mga beripikadong video na tinamaan ang base ng missiles at drones, habang lumitaw sa satellite images na nawasak ang dalawang satellite communications terminal at malubhang napinsala ang ilang malalaking gusali.
Sa Kuwait, nakita sa satellite images ang pagbagsak ng mga bubong sa Ali Al Salem Air Base matapos ang iniulat na pag-atake. Sa Iraq, nakumpirma sa mga larawan at video ang paulit-ulit na pag-target sa military installation sa Erbil International Airport, kung saan nakahimpil ang US forces. Ipinakita sa satellite images na apat na istruktura ang nasira o nawasak, at may apoy pang nagliliyab hanggang madaling araw ng Lunes.
Sa Jebel Ali Port sa Dubai, nakita sa satellite imagery ang usok mula sa isang gusali sa loob ng bakod na US Navy recreational zone. Bagama’t hindi opisyal na US base, madalas itong ginagamit ng US Navy.
Isang kumalat na video rin ang nagpakita ng drone na lumilipad sa ibabaw ng Camp Buehring sa Kuwait bago ito sumabog sa loob ng kampo. Hindi pa beripikado ang eksaktong tinamaan at lawak ng pinsala. RNT