Home NATIONWIDE Bulkang Bulusan, nagligalig

Bulkang Bulusan, nagligalig

143
0

MANILA, Philippines – Nakapagtala ng pagtaas ng seismic activity sa Bulkang Bulusan ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), matapos maitala ang 49 volcanic earthquakes mula alas-3 ng madaling araw ng Pebrero 26 hanggang alas-11 ng umaga ng Marso 2.

Sa kabuuang bilang, 16 ang volcano-tectonic earthquakes na may kaugnayan sa pagbitak ng mga bato sa lalim na tatlo hanggang anim na kilometro sa ilalim ng hilaga at timog-silangang bahagi ng bulkan.

Ayon sa Phivolcs, maaaring indikasyon ito ng umiiral na hydrothermal processes sa ilalim ng bulkan na posibleng magdulot ng biglaang steam-driven o phreatic eruption.

“This happens when there is an interaction with water and hot volcanic materials, which can cause rock fracturing and result in volcanic earthquakes,” paliwanag ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol.

Nagbabala si Bacolcol na ang pagtaas ng seismic activity ay nagpapataas ng posibilidad ng biglaang phreatic eruption na maaaring mangyari nang may kaunti o walang babala, lalo na sa mga lugar malapit sa active vents.

Nananatili naman sa background levels ang iba pang monitoring parameters. Mahina hanggang katamtaman ang degassing mula sa summit crater at active vents nitong mga nakaraang araw, at hindi matukoy ang sulfur dioxide emission sa huling sukat noong Pebrero 26.

Nananatili ang Alert Level 0 sa Bulkang Bulusan, na nangangahulugang walang inaasahang magmatic eruption sa ngayon.

Gayunman, pinapayuhan ang publiko na iwasan ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong permanent danger zone, lalo na malapit sa mga vent sa timog-silangang dalisdis, dahil sa posibilidad ng biglaang phreatic eruption, rockfall, landslide, at iba pang kaugnay na panganib.

Hinimok din ng Phivolcs ang mga local government unit na repasuhin ang kanilang emergency plans sakaling itaas sa Alert Level 1 ang estado ng bulkan, at pinayuhan ang aviation authorities na abisuhan ang mga piloto na umiwas sa paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil maaaring maging mapanganib sa eroplano ang abo mula sa anumang biglaang pagputok. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here