Home METRO P12.9M tinangay ng dating empleyado ng bangko, arestado

P12.9M tinangay ng dating empleyado ng bangko, arestado

138
0

SOLANO, Nueva Vizcaya – Bumagsak sa kamay ng pulisya ang isang suspek matapos maaresto sa isang entrapment operation kaugnay ng kanyang investment scheme kung saan tinatayang P12.9 milyon ang natangay mula sa kanyang mga naging biktima.

Kinilala ang suspek na si alyas Nene, 22 anyos, at residente ng Brgy. Quirino, Solano, Nueva Vizcaya.

Ayon kay PMaj. Anthony Sanchez, hepe ng Solano Police Station, unang lumapit ang dalawang indibidwal upang magreklamo matapos nilang malamang hindi na konektado sa bangko ang suspek na unang nag-alok sa kanila ng investment.

Nasa P3.2 milyon umano ang nakuha ng suspek mula sa mga nagrereklamo. Hindi na umano natupad ang usapan sa interes ng kanilang pera at wala na rin umanong kaugnayan sa bangko ang suspek.

Maliban sa dalawa, may iba pang indibidwal ang lumapit sa pulisya at inilahad na may mga kasulatan at transaksiyon din sila sa suspek, at umaabot sa mahigit P12 milyon ang natangay sa kanila.

Nangako umano ang suspek na sasagutin ng mga bagong investor ang utang ng mga magsasaka sa bangko upang makapag-loan ang mga ito ng mas malaking halaga, at ang magsasaka ang magbabayad sa investor. Subalit kalaunan, wala nang maibigay ang suspek.

Ayon sa isa sa mga biktima, nagtiwala sila sa suspek dahil ipinakikita umano nito sa pamamagitan ng video call na nasa loob siya ng bangko at nagpapakita ng mga dokumento upang masiguro na mababayaran ang kanilang pera.

Umaabot sa P4.7 milyon ang naibigay ng magkapatid. Sa una, nakapagbigay pa umano ang suspek ng hanggang P600,000 interes, subalit kalaunan ay hindi na siya sumasagot sa kanilang mga mensahe.

Ikinasa ang entrapment operation ng kapulisan noong Biyernes, Pebrero 27, base sa reklamo ng dalawang unang biktima kung saan nag-abot ng P50,000 dagdag na pera ang isa sa kanila. Tinanggap umano ito ng suspek na nagsilbing senyales upang siya ay arestuhin ng mga operatiba.

Nahaharap ang suspek sa kasong estafa at pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya habang hinihintay ang iba pang reklamong isasampa laban sa kanya. Rey Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here