MANILA, Philippines – Itutuloy ngayong araw ang preliminary investigation laban kay dating Senador Bong Revilla matapos maudlot noong Pebrero 20 dahil sa mosyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na humihiling na madagdagan ang mga respondent sa reklamo.
Inaasahan namang magsusumite ng kontra-salaysay sa panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) si Revilla kaugnay ng reklamong plunder.
Una nang sinabi ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na naisyuhan na ng subpoena ang mga karagdagang respondent, kabilang ang apat na dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa National Capital Region (NCR) na sina Denryl Caesar Cortuna, Manny Bulusan, Ruel Umali, at Arturo Gonzales Jr.
Ang iba pang respondent ay inaasahan ding magsusumite ng kanilang kontra-salaysay ngayong araw upang idepensa ang kanilang panig.
Batay sa mga ebidensyang nakalap ng NBI, may alegasyon na ang apat na nadagdag na respondent ay umano’y kasabwat ni Revilla sa nasabing flood control scandal, ayon sa DOJ. Jocelyn Tabangcura-Domenden