MANILA, Philippines – Dalawang dating miyembro ng Philippine Marines ang muling nagpahayag ng kanilang alegasyon na naghatid umano sila ng mga maleta na may lamang pera sa bahay ng ilang mambabatas at maging umano kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Iginiit ng mga dating marines na tauhan umano sila ni Zaldy Co at inatasang maghatid ng mga tinatawag nilang “basura” o male-maletang pera.
Sa isang panayam sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho, sinabi nina Belnard Tube at Benny Bulontate na tumutugma ang kanilang mga pahayag sa nilalaman ng kanilang sinumpaang salaysay o affidavit at isa sa tinukoy nila si dating Marikina City 2nd District Representative Stella Quimbo.
Nang ipakita sa kanila ang larawan ng isang bahay kung saan umano inihatid ang mga maleta, tinukoy ni Bulontate ang lugar bilang “kay Cong. Stella po.”
Nang tanungin kung pag-aari nga ba ni Quimbo ang naturang bahay, sumagot si Tube ng, “oo, bahay niya po,” bagama’t hindi ipinakita sa programa ang eksaktong lokasyon.
Ayon sa ulat, kabilang sina Tube at Bulontate sa 18 dating sundalo na nagsabing naghatid umano sila ng mga maleta na may lamang pera sa naturang bahay.
Bilang suporta sa kanilang alegasyon, nagpakita sila ng larawan ng walong malalaking maleta at isang maliit na maleta. Ayon sa kanila, bawat malaking maleta ay naglalaman umano ng humigit-kumulang P50 milyon hanggang P70 milyon, habang ang maliit na maleta ay tinatayang may P15 milyon hanggang P25 milyon.
Sa parehong panayam, iginiit din ng grupo na naghatid umano sila ng pera sa iba pang opisyal ng pamahalaan, kabilang ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa kabuuan, kanilang inangkin na nakapaghatid umano sila ng humigit-kumulang P805 bilyon sa iba’t ibang opisyal.
Nauna nang inalmahan ng Malakanyang ang nasabing alegasyon, pero wala pang inilalabas na opisyal na pahayag sina Romualdez at Quimbo kaugnay ng mga alegasyong ito.
Si Quimbo ay naging miyembro ng bicameral conference committee at nagsilbing vice chairperson ng House Committee on Appropriations sa deliberasyon ng 2025 national budget. Kalaunan, siya ang naging chairperson ng komite matapos magbitiw si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co. RNT