MANILA, Philippines – Inihayag ng ilang mambabatas noong Martes na nagdududa sila kung makatutulong ang panukala ng Department of Education (DepEd) na mag-shift sa three-term school year sa pag-address ng learning loss, madalas na class suspensions, at teacher workload.
Ayon sa DepEd, umabot sa 53 school days ang naantala noong School Year 2023–2024, kung saan 32 dito ay dulot ng extreme weather at klima.
Sinabi ni Assistant Secretary Jerome Buenviaje na kapag naantalang klase ngunit nananatili ang parehong curriculum targets, naiipit ang oras para sa pagtuturo at remediation.
Ipinaliwanag ng DepEd na hindi babawasan ng bagong calendar ang kabuuang bilang ng school days na 201, kundi ire-reorganize lamang sa tatlong instructional terms.
Layunin nito na mabigyan ang mga guro at mag-aaral ng mas mahabang uninterrupted blocks para sa pagtuturo, assessments, at professional development.
Ngunit iginiit ni Senador Bam Aquino na kailangan ng mas konkretong hakbang para matiyak ang 180 araw ng pagtuturo na nakasaad sa batas.
Pinaalala rin ng teachers’ groups na mahalaga ang full school days ngunit hindi sapat ang calendar restructuring kung hindi mabibigyan ng solusyon ang mababang sweldo, kakulangan ng non-teaching personnel, at hindi pantay na distribution ng pasilidad sa paaralan.
Nagpahayag din ng pangamba ang mga estudyante tungkol sa kakulangan ng konsultasyon at posibleng panganib sa kalusugan kung palalawigin ang klase sa mainit na buwan sa mga paaralang walang climate-resilient infrastructure.
Ayon sa DepEd, tuloy ang regional consultations at national survey bago ang anumang desisyon sa implementasyon ng bagong calendar para sa School Year 2026–2027.
Sa kabila ng mga panukala, nananatiling tanong kung makakatulong ba talaga ang three-term structure sa proteksyon ng learning time o mas malalim na reporma ang kailangan para mapabuti ang literacy at proficiency ng mga mag-aaral sa bansa. RNT/MND