MANILA, Philippines – Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na walang beripikadong security threat sa bansa kasunod ng kumakalat na social media post na nagsasabing suspendido umano ang trabaho at klase mula March 4 hanggang 6 dahil sa umano’y banta sa seguridad.
Sa inilabas na pahayag noong Miyerkules, sinabi ng PNP na ang naturang post ay “walang opisyal na basehan at hindi nagmula sa alinmang awtorisadong ahensiya ng gobyerno.”
“Sa kasalukuyan, walang beripikadong security threat na mangangailangan ng ganitong advisory. Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa mga kinauukulang ahensiya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang kaayusan,” ayon sa pahayag.
Hindi agad tinukoy ng pulisya kung saan nagmula ang nasabing post, ngunit sinabi nitong mino-monitor na ng Anti-Cybercrime Group ang pinagmulan nito at magsasagawa ng kaukulang aksyon laban sa responsable sa pagpapakalat ng maling impormasyon.
Hinimok ng PNP ang publiko na manatiling kalmado at umasa lamang sa mga anunsyong inilalabas sa opisyal na government channels.
Binigyang-diin din ng ahensiya na ang sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon na nagdudulot ng hindi kinakailangang alarma ay may kaukulang pananagutan sa ilalim ng umiiral na mga batas. RNT/MND