MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules na hindi prayoridad ng kanyang tanggapan ang pag-monitor sa impeachment proceedings laban sa kanya.
“Marami akong ginagawa na trabaho. Hindi ’yan ang prayoridad ngayon ng Office of the Vice President,” ani Duterte sa isang chance interview nang tanungin kung sinusubaybayan niya ang mga kaganapan sa House of Representatives.
Nakatakdang pagdesisyunan ng isang House panel kung ang dalawang impeachment complaints laban sa bise presidente ay “sufficient in substance” upang umusad.
Nauna nang na-impeach si Duterte ng Kamara noong nakaraang taon, ngunit ibinasura ng Supreme Court of the Philippines ang kaso dahil sa procedural issues.
Ang panibagong impeachment bid ay nakabatay sa alegasyong maling paggamit ng pondo publiko at umano’y pagbabanta laban kay President Ferdinand Marcos Jr., na dati niyang kaalyado ngunit ngayon ay may matinding alitan sa pulitika.
Mariing itinanggi ni Duterte ang mga paratang.
Sa ilalim ng Konstitusyon, kapag na-impeach, isasailalim ang opisyal sa paglilitis sa Senado. Kapag napatunayang nagkasala, maaari siyang matanggal sa puwesto at ma-disqualify sa pagtakbo sa anumang posisyon sa hinaharap, kabilang ang 2028 presidential elections. RNT/MND