MANILA, Philippines – Naghain si Senator Imee Marcos ng P.S. Resolution No. 333 na humihiling ng imbestigasyon, in aid of legislation, kaugnay ng oil reserves ng bansa at kahandaan ng pamahalaan laban sa posibleng “energy shock.”
Inihain ang resolusyon noong March 3 sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East na inaasahang makaaapekto sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sa kanyang resolusyon, binanggit ni Marcos ang rekomendasyon ng International Energy Agency (IEA) na dapat may oil stock ang bawat bansa na katumbas ng 90 araw ng net oil imports. Gayunman, sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. na nasa 50 hanggang 60 araw lamang ang kasalukuyang reserba ng bansa para sa gasolina, fuel oil, at kerosene.
“Nakababahala, hindi sapat ang ating mga reserba! Ang LPG hindi aabot ng isang buwan, ang gasolina wala pang dalawang buwan. Dapat may malinaw at konkretong emergency plan para maprotektahan ang ating energy security!” ani ng senador.
Ayon pa kay Marcos, malaki ang epekto ng pabagu-bagong presyo ng langis sa ekonomiya ng Pilipinas bilang oil-importing country, dahil direktang naaapektuhan ang transportasyon, kuryente, agrikultura, at presyo ng mga pangunahing bilihin.
Binanggit din niya na naghain siya noon ng Senate Bill No. 187, na na-re-file bilang SBN 120 noong 2025, na magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na alisin ang VAT sa langis tuwing may state of emergency.
Sa halip na malawakang subsidiya o price controls, iginiit ni Marcos na dapat ay targeted assistance ang ibigay sa mga sektor na higit na nangangailangan. Iminungkahi rin niya ang pagpasok sa long-term fixed-price supply contracts upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo.
Dagdag pa niya, bilang kasalukuyang chair ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), dapat makipagtulungan ang Pilipinas sa mga kapwa miyembrong bansa sa oil stockpiling at procurement upang mas mapalakas ang energy security ng rehiyon.
“Hindi dapat magdusa ang mga oil-poor na bansa tulad natin kung may konkretong emergency plan at malinaw na hakbang para sa ating energy security,” ani Marcos. RNT/MND