ANG road rage ay hindi lamang simpleng alitan sa kalsada. Isa itong malinaw na sintomas ng kabiguan sa pamamahala.
Nang ihain ni House Majority Leader Sandro Marcos ang House Bill 8190 o Anti-Road Rage Act, layon nitong pag-ibahin ang karaniwang paglabag sa trapiko at ang mga sinasadyang kilos na naglalagay sa buhay sa panganib.
Inihain ito matapos maiugnay ang kanyang nakababatang kapatid sa isang insidente sa North Luzon Expressway na kinasasangkutan ng convoy na pinaniniwalaang kay Bulacan Gov. Daniel Fernando. May mga ulat na inangkin ng convoy ang apat na linya ng NLEx bukod pa sa may security na bumunot ng baril, bagay na itinanggi ng Malacañang. Hiniling naman ng gobernador na igalang ang pagtanggi ng Palasyo.
Ngunit lampas sa pulitika, ang road rage ay sumasalamin sa mas malalim na problema. May mga motoristang kinukuha ang batas sa sariling kamay dahil naniniwala silang hindi naparurusahan ang mga pasaway at mapanganib na drayber. Sa kawalan ng pananagutan, ang maayos na motorista ay nauuwi sa galit — gumaganti, humahabol, humaharang, at minsan ay nauuwi sa karahasan.
Mayroon ding mga abusado at agresibong drayber na umaasa sa kapangyarihan at pribilehiyo. May lisensya man, kulang naman sa disiplina at kaalaman. Lakas-loob silang manakot o mang-insulto dahil iniisip nilang hindi sila maaabot ng batas.
Hindi rin nakatutulong ang mababang tiwala sa mga tagapagpatupad ng batas. Marami ang tinitingnang tiwali o sangkot sa pangingikil. May mga enforcer na mas abala sa panghuhuli sa maliliit na paglabag sa halip na ayusin ang daloy ng trapiko. Ang ganitong kultura ng pagpapatupad ang lalo pang nagpapalala ng galit sa kalsada.
Hindi dapat palampasin ang pananagutan ng mga road-rager, lalo na ang mga nalalasing sa kapangyarihan. Ilang opisyal na sasakyan na ang nahuling lumalabag sa EDSA bus lane? Hindi ito iisang tao lamang; ito ay mas malawak na sakit ng entitlement.
Sang-ayon ako na dapat gawing krimen ang marahas na road rage. Ngunit hindi dapat umusad ang panukala dahil lamang may nasangkot na anak ng Pangulo. Walang bayani sa kwentong ito. Kung may dapat kilalanin, iyon ay ang mga netizen na nagdokumento ng mga insidente upang hindi makaiwas ang mga awtoridad.
Sa huli, tanong ito sa ating lahat. Ano ang nangyayari sa atin sa likod ng manibela? Maaaring may pagkukulang ang sistema, ngunit hindi iyon lisensya upang maging marahas. Panahon ng Kuwaresma — habang hindi pa humihigpit ang batas, nawa’y konsensya muna ang manaig.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






