Home OPINION 14th GKK NG DOLE-OSHC, KASADO NA

14th GKK NG DOLE-OSHC, KASADO NA

153
0

SA patuloy na pagsusulong ng ligtas at malusog na paggawa, mahalagang kilalanin ang mga indibidwal at organisasyong nagsisilbing huwaran sa larangan ng occupational safety and health.

Ang launching ng ika-14 na Gawad Kaligtasan at Kalusugan ng Occupational Safety and Health Center nito lamang Miyerkules ay hindi lamang isang seremonya ng parangal—ito ay isang pambansang parangal ng Department of Labor and Employment na nagbibigay-pugay sa mga natatanging programa at praktis sa kaligtasan at kalusugan sa mga lugar-paggawa sa buong bansa.

Bilang national award ng DOLE, kinikilala ng GKK ang mga kompanya, indibidwal, at institusyong nagpakita ng kahusayan sa pagpapatupad ng occupational safety and health standards. Saklaw ng parangal ang lahat ng sektor—malalaking korporasyon, small and medium enterprises, informal sector, at maging ang public sector o mga ahensya ng pamahalaan. Ipinapakita nito na ang kaligtasan at kalusugan sa trabaho ay obligasyon at pananagutan ng bawat organisasyon, pampubliko man o pribado.

Mas pinalawak pa ngayong taon ang partisipasyon dahil maaaring magsumite ng aplikasyon ang mga nagnanais lumahok sa pamamagitan ng digital platform na pinagsikapan ng OSHC. Sa tulong ng teknolohiya, mas magiging mabilis, mas efficient at mas accessible ang proseso ng pagsusumite ng mga dokumento at ebidensya ng mga kandidato. Patunay ito na ang GKK ay umaayon sa makabagong panahon habang nananatiling tapat sa layunin nitong itaas ang pamantayan ng kaligtasan at kalusugan sa trabaho.

Sa likod ng matagumpay na launching ng GKK ay ang masigasig na pamumuno ni Jose Maria “Jomar” Batino, Executive Director ng OSHC, kasama ang mga opisyal at kawani ng ahensya. Sa kanilang ipinakitang sipag, dedikasyon, at malasakit, higit na napalakas ang adbokasiya ng kaligtasan sa iba’t ibang sektor. Ibinahagi din ni ED Batino na ito na marahil ang huling GKK na kanyang pamumunuan—isang pahayag na sinalubong ng paghanga at pagkilala ng mga panauhin sa kanyang mahalagang ambag sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Bienvenido Laguesma ng DOLE.

Ang GKK ay higit pa sa parangal, ito ay panawagan sa bawat sektor na pairalin ang kultura ng pag-iingat, pananagutan, at malasakit—upang ang bawat manggagawang Pilipino ay makauwi nang ligtas at malusog sa kanilang pamilya araw-araw.

Para sa karagdagang impormasyon kung paano sumali at malaman ang buong mechanics ng GKK, sumadya sa o sa Facebook page ng Occupational Safety and Health Center.

Para kay ED Jomar Batino, DOLE-OSHC officers and staff, GKK Board of Judges at nominees, MABUHAY!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here