MULA sa presyong $73 kada bariles noong Sabado at $79 kada bariles noong Martes, kahapon, naging $84 kada bariles na ang langis.
Lalo na ang Brent oil na isa sa mga batayan ng kwentahan kung magkano ang magiging bentahan sa iba’t ibang bansa, kasama ang Pilipinas, hanggang sa umabot sa atin bilang mga consumer.
Magkano na kaya ang retail sa susunod na linggo ang bawat litro ng diesel, gasolina at kerosene?
Pati liquified petroleum gas at liquid natural gas, magmamahal na rin.
Ito’y makaraang pasimulan ng United States at Israel ang pag-atake sa Iran at nais nilang palitan doon ang mga mamumuno at gobyerno na makokontrol nila.
Hindi man nila aaminin, isa ang Iran sa pinakamalaking producer ng langis sa buong mundo na noo’y nakapag-e-export ng nasa limang milyong bariles sa isang araw ngunit sa huli, mahigit na lang isang milyon dahil hinaharang ng US at Israel ang pagbenta nito upang maghirap at sa kalaunan, makontrol nila ito.
HINDI BIRO-BIRO
Hindi biro-biro ang pagtaas ng presyo ng langis na umabot na sa $84 kada bariles.
Kapag hindi huhupa ang digmaan na sumaklaw na sa maraming bansa sa Middle East, maaari pang tumaas ang presyo at sinasabing aabot sa $130 kada bariles at kung sasabog na talaga ang giyera na madadamay na ang mga bansang nasa labas ng mga Arabong bansa, maaari pa umanong aabot ang presyo sa $200 kada bariles.
Sana nga huhupa o kaya’y hihinto na ang giyera.
Pero sa $84 kada bariles, hindi na rin maganda para sa Pilipinas.
At sa katunayan, ang $80 kada bariles ang batayan ng awtomatikong pagtatanggal ng excise tax sa ating bansa para sa diesel, gasoline at kerosene.
Ang excise tax kada litro ay P10 sa gasoline, P6 sa diesel at P3 sa kerosene, ayon sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act o TRAIN law.
Itong tax o buwis na ito ang nagpapataas ng mga produktong petrolyo sa Pinas at hindi bunga ito ng pagtataas ng presyo ng langis kundi gusto lang ng gobyerno na pagkakitaan ang langis.
‘Yung bang === tayo ang ginagatasan ng gobyerno at hindi ang mga kompanya ng langis.
BAWASAN O SUSPENDIHIN?
Sa parte ng Palasyo, mga Bro, nais ni Pangulong Bongbong Marcos na bigyan siya ng kapangyarihan ng Kongreso ng batas na bawasan ang excise tax.
Ito’y dahil hindi umano napapanahon ang pagsuspinde sa excise tax lalo’t itinatadhana umano ng TRAIN law na kailangang tuloy-tuloy na nasa $80 pataas ang presyo sa pandaigdigang merkado sa loob ng tatlong buwan.
Kung hindi magaganap ang kondisyong ito, walang suspensyon kaya naririyan ang kahilingan ng Pangulo na kahit bawasan man lang para umano sa mamamayan.
Pero alalahanin na doble buwis ang ipinapataw sa gasolina, diesel, kerosene at LPG.
‘Yun bang === meron ding value added tax na 12 prosyento.
Ano-ano nga kaya ang gagawin ng gobyerno para maalalayan naman talaga ang lahat sa harap ng iba pang ibinubunga ng pagtaas ng presyo ng langis, gaya ng sobrang pagtaas na rin ng presyo ng mga bilihin?






