Home OPINION PUMATAY SAKA MAMALIMOS NG CEASEFIRE

PUMATAY SAKA MAMALIMOS NG CEASEFIRE

185
0

ITONG mga Kano, makaraang pumatay ng marami nilang kalaban sa Iran, humihingi ngayon ng tigil-putukan, ayon sa mga sumusubaybay sa giyerang Iran versus United States at Israel.

Matatandaang napakabangis ngayon ang pagganti ng Iran sa US at Israel.

Ayon sa mga ulat, marami nang namatay na Kano sa mga pag-missile at drone ng Iran sa mga base militar ng mga Kano sa Bahrain, Kuwait, Qatar, Jordan, Saudi Arabia at Israel.

Gayundin na marami na ring namatay na Israelita, kasama ang isa nating caregiver na tinamaan ng missile habang tumatakbo papunta sa isang bomb shelter.

At ngayon, pinaaalis ni US President Donald Trump ang lahat ng mga Amerikano sa Bahrain, Egypt, Iran, Iraq, Israel, West Bank at Gaza, Jordan, Kuwait, Lebanon, Oman, Qatar, Saudi Arabia, Syria, the United Arab Emirates at Yemen.

Isang anyo ng ceasefire ang paghiling ng US sa Iran na itigil nito ang pakikipaglaban.

Nasa isipan umano ng US at Israel na makaraang mapatay nito ang mga lider ng Iran sa isang araw, biglang mawalan ng lakas ng Iran, maglantaran ang mga Iranian na pro-US at Israel at magpapalit na ng liderato at pamahalaang kakampi ng US at Israel at magaganap ito sa loob ng 4-5 araw.

Kabaligtaran umano ang naganap dahil lumitaw ang milyones na Iranian sa mga lansangan, humihingi ng ganti laban sa US-Israel at sumunod na rito ang pag-atake ng ng Iran sa lahat ng base militar ng US sa Gitnang Silangan kasabay nang pag-atake nito sa Israel.

Kung kailan matatapos ang digmaan, wala pang nakaaalam.

Pero ang mahalaga naman sa ating mga Pinoy, dapat gawin lahat ng pamahalaan ang magagawa nito para iligtas ang mga Pinoy na nasa panganib, sa kalupaan at karagatan.

Gaya ng ginagawa ng ibang mga bansa, nagbabakwit na sila ng kanilang mga mamamayan.

Dapat isa na ito sa mga ginagawa na ng gobyerno natin.

Nasaan ang pagbabakwit?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here