MANILA, Philippines – Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang driver ng isang sedan matapos itong huminto sa North Luzon Expressway (NLEX) upang pababain ang isang pasahero na kumuha ng patay na hayop sa kalsada.
Ayon sa LTO, naglabas sila ng show cause order (SCO) laban sa driver kaugnay ng insidenteng naganap noong Pebrero 26 na nakunan sa isang video na kumalat sa social media.
Makikita sa video ang isang pasahero na bumaba ng sasakyan upang kunin ang patay na hayop sa controlled-access highway.
“This act, though seen by some as compassionate, posed serious risks to incoming vehicles,” ayon sa SCO.
Sinabi ng ahensya na maaaring lumabag ang driver sa mga patakaran sa trapiko tulad ng reckless driving at obstruction of traffic.
Inatasan ang driver at ang rehistradong may-ari ng sasakyan na humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division (IID) sa Marso 10, alas-11 ng umaga upang magsumite ng verified o sworn explanation tungkol sa insidente at ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat sampahan ng administrative charges.
Pinapaliwanag din sa kanila kung bakit hindi dapat suspendihin, bawiin, o ipagbawal ang driver’s license ng driver.
Ayon sa LTO, ipatutupad ang 90-day preventive suspension sa driver’s license kapag nakumpirma na ang pagkakakilanlan ng driver. Isinailalim din sa LTO alarm ang naturang sasakyan at inatasan ang motorista na isumite ang kanyang driver’s license sa araw ng pagdinig.
Nagbabala ang ahensya na kung hindi haharap at magsusumite ng sworn explanation ang mga respondent, ituturing itong pagtalikod sa kanilang karapatang marinig at ibabatay na lamang sa available na ebidensya ang resolusyon ng kaso. Santi Celario