Home NATIONWIDE PNP naghigpit-seguridad sa US, Iran, Israel embassy sa Pinas

PNP naghigpit-seguridad sa US, Iran, Israel embassy sa Pinas

175
0

MANILA, Philippines — Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa ilang embahada sa bansa kasunod ng naganap na protesta malapit sa United States Embassy sa Maynila nitong Martes.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nagdagdag ng mga pulis na itatalaga upang bantayan ang mga embahada at pamahalaan ang trapiko sa mga lugar na posibleng pagdausan ng mga demonstrasyon. Inatasan din ang mga territorial units, lalo na sa Metro Manila, na manatiling alerto.

“We are closely monitoring the situation on the ground, particularly in embassies, which could become flashpoints for public demonstrations,” ani Nartatez sa isang pahayag nitong Miyerkules.

Mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad ang US Embassy sa Maynila, ang Iranian Embassy sa Makati City, at ang Israeli Embassy sa Taguig City.

Noong Martes, nagtipon ang mga nagpoprotesta sa Kalaw Avenue at nagtangkang magmartsa patungo sa US Embassy ngunit hinarang sila ng pulisya sa Roxas Boulevard.

Ayon kay Nartatez, layunin ng mas pinaigting na presensya ng pulisya na maprotektahan ang mga demonstrador at ang publiko. Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa Department of Foreign Affairs at iba pang ahensya ng pamahalaan upang bantayan ang mga kaganapan.

“Our priority is peace and order and the protection of diplomatic missions. We urge everyone to remain calm and observe peace,” aniya.

Lumala ang tensyon sa Middle East noong huling bahagi ng Pebrero matapos maglunsad ng malawakang military operation ang United States at Israel laban sa Iran. Gumanti naman ang Iran sa pamamagitan ng pagpapakawala ng drones at missiles patungong Israel at pag-atake sa mga pasilidad militar ng US sa ilang bahagi ng rehiyon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here