Home HOME BANNER STORY Utang ng Pinas, lumobo pa sa P18.13T sa Enero 2026

Utang ng Pinas, lumobo pa sa P18.13T sa Enero 2026

300
0

MANILA, Philippines – Lumobo na sa P18.13 trilyon ang utang ng Pilipinas nitong Enero 2026 makaraang i-frontload ng administrasyon ang pag-iisyu ng utang upang makakuha ng mas mababang interes, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).

Base sa datos ng BTr, mas mataas ito ng 2.41% kumpara sa P17.707 trilyon noong Disyembre, at 11.16% namang mas mataas kumpara sa P16.312 trilyon noong Enero 2025.

“This level remains sustainable amid pressing challenges in the domestic and global landscape,” ayon sa BTr sa isang kalatas.

“The month-on-month increase mainly reflects the government’s strategy of frontloading domestic and external issuances to secure concessional financing terms ahead of global market uncertainties that can further raise interest costs,” ayon pa rin sa BTr.

Sa kabuuang utang, may P12.324 trilyon o 68% ang domestic debt. Sinasabing mas mataas ito ng 1.72% mula sa P12.116 trilyon noong nakaraang buwan at 11.19% kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Winika pa ng BTr na nagkaroon ng net incurrence na P208.05 bilyon sa government securities dahil sa mas pinaigting na pag-asa sa lokal na pinagkukunan ng pondo. Umabot naman sa P0.47 bilyon ang halaga ng foreign currency-denominated domestic securities.

Sa kabilang dako, tumaas naman sa P5.809 trilyon ang external debt, mas mataas ng 3.89% mula sa P5.591 trilyon noong Disyembre at 11.10% kumpara sa P5.228 trilyon noong Enero 2025.

Iniuugnay ng BTr ang pagtaas ng external debt sa pag-iisyu ng bagong global bonds at sa P191.02 bilyong net availments ng official development assistance mula sa international development partners.

Sinasabing nakaapekto rin dito ang pagtaas ng halaga ng foreign currency-denominated debt dahil sa paghina ng piso.

Samantala, nagsara ang palitan ng piso sa P58.84 kada dolyar noong unang trading day ng Enero at nagtapos ang buwan sa P58.86 kada dolyar, bahagyang mahina kumpara sa P58.79 kada dolyar noong huling trading day ng Disyembre 2025. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here