Home NATIONWIDE DA may P100M ayudang langis sa mga magsasaka, mangingisda

DA may P100M ayudang langis sa mga magsasaka, mangingisda

167
0

MANILA, Philippines — Makakatanggap ng hindi bababa sa P100 milyong fuel subsidy ang mga magsasaka at mangingisdang Pilipino upang maibsan ang epekto ng posibleng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sa isang press conference, sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na naaprubahan na ng Department of Budget and Management ang P150 milyong pondo para sa fuel subsidy program ng ahensya, kung saan P100 milyon na ang nailabas at handa nang ipamahagi.

Makakatanggap ang mga magsasaka ng one-time aid na P5,000 habang P3,000 naman ang matatanggap ng mga mangingisda.

“Inaasahan nating 9,700 farmers ‘yung paunang makakatanggap ng assistance under the fuel subsidy program,” ani De Mesa.

Para naman sa sektor ng pangingisda, tinatayang nasa 15,800 mangingisda ang unang makikinabang sa programa.

“Makakareceive sila ng PHP3,000 – ang unang makakatanggap ay 15,800 fisherfolk,” dagdag niya.

Ang natitirang P50 milyon ay ilalabas kapag umabot sa USD80 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa patuloy na tensyon sa Middle East.

Sa kabuuan, inaasahang makikinabang sa programa ang humigit-kumulang 14,500 magsasaka at 23,800 mangingisda, kung saan tig-P75 milyon ang ilalaan sa bawat sektor.

Upang maging kwalipikado, kailangang rehistrado ang mga magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at may pagmamay-ari o inuupahang makinarya para sa produksyon. Para naman sa mga mangingisda, kailangan silang nakarehistro sa RSBSA o Municipal Fisherfolk Registration System (FishR), may bangkang may bigat na tatlong gross tons pababa, at sumusunod sa legal na pamamaraan ng pangingisda.

Ipapamahagi ang subsidy sa pamamagitan ng Interventions Monitoring Card (IMC) na maaaring gamitin sa awtomatikong pagbabayad sa mga fuel station.

“Kukunan sila nung tinatawag na KYC, Know Your Client, tapos kapag napirmahan na ‘yung kanilang registration forms, ipa-process and then ire-release na ‘yung IMC card nila (They will be asked for their KYC, Know Your Client, and then once their registration forms are signed, it will be processed, then their IMC cards will be released),” paliwanag ni De Mesa.

Para sa mga lugar na may limitadong internet connectivity, maglalabas ang DA ng fuel vouchers bilang alternatibo.

Plano rin ng ahensya na magbigay ng farm inputs tulad ng seedlings, fertilizers, at makinarya sa susunod na planting season upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa produksyon ng pagkain.

“These are all given for free, sa ating mga magsasaka,” ani De Mesa. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here