MANILA, Philippines – KINUMPIRMA ng Bureau of Customs (BOC) na may mga tauhan ng ahensya na sangkot sa mga kasong isinampa kaugnay ng agricultural smuggling na iniendorso sa Department of Finance (DOF) sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Ayon sa BOC, anim na kaso ang ipinasa sa DOF at kabilang dito ang ilang empleyado ng Customs na umano’y lumabag sa batas, kasabay ng maigting na kampanya ng ahensya laban sa smuggling at katiwalian sa loob ng kanilang hanay sa pamumuno ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno.
Sa inihandang mga kasong kriminal, pangunahing tinukoy ang tatlong consignee na sangkot sa malakihang agricultural smuggling. Gayunman, tiniyak ng BOC na mananagot din ang kanilang sariling mga tauhan.
Sa ngayon, siyam na personnel ng Customs ang nahaharap sa draft complaint-affidavit dahil sa paglabag sa Section 7 kaugnay ng Section 14 ng Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Bukod dito, kinasuhan din ang parehong siyam na tauhan ng paglabag sa Section 3 ng Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Samantala, may karagdagan pang labing siyam na personnel ang sinampahan ng kasong administratibo dahil sa neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service kaugnay ng naturang imbestigasyon.
Nabunyag ang mga paglabag matapos ang masusing imbestigasyon sa mga iregularidad sa pag-angkat at pagproseso ng mga agricultural shipment sa Port of Subic, kabilang ang hinihinalang misdeclaration at iligal na pagpapadali sa pag-clear ng mga kargamento.
Iginiit ni Nepomuceno na mahigpit na ipatutupad ng BOC ang batas laban sa smuggling at hindi palalagpasin ang sinumang tauhan na lalabag dito, upang maprotektahan ang mga magsasakang Pilipino at mapanatili ang integridad ng kalakalan sa bansa. Jay Reyes