Home NATIONWIDE Pinas may sapat na pagkain sa kabila ng US-Iran tension

Pinas may sapat na pagkain sa kabila ng US-Iran tension

163
0

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na mananatiling “food secure” ang Pilipinas sa kabila ng patuloy na tensyon sa Middle East.

Sa isang press conference nitong Miyerkules, sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na sapat ang suplay ng mga produktong agrikultural sa bansa, lalo na ang bigas, mula sa lokal na produksyon at imported na suplay.

“In terms of supply natin ng bigas sa bansa (of our country’s rice supply), coming from both local production and imported rice, we can be assured na until sa next harvest season mayroon tayong sapat na bigas para sa ating mga kababayan (there’s an adequate rice supply for our countrymen until the next harvest season),” aniya.

Dagdag niya, nagmumula ang imported rice ng Pilipinas sa mga bansang Vietnam, Myanmar at Cambodia na malayo sa Middle East.

Ayon sa Bureau of Plant Industry, umabot na sa 707,711.46 metric tons ng imported rice ang dumating sa bansa hanggang Pebrero 26, na pasok sa target na dami bago ang lokal na peak harvest season ng palay.

Sinabi rin ni De Mesa na malabong tumaas sa PHP70 kada kilo ang presyo ng bigas tulad ng nangyari noong panahon ng Ukraine-Russia crisis.

“Sa ngayon, wala pang indication na aabot tayo sa ganun kasi mababa ‘yung cost ng imported na bigas (For now, there’s no indication that it will reach that point, because of the low cost of imported rice),” aniya.

Batay sa DA Bantay Presyo, nasa PHP52 hanggang PHP62 kada kilo ang premium imported rice sa Metro Manila, habang nasa PHP43 hanggang PHP49 kada kilo ang imported well-milled rice at PHP36 hanggang PHP46 kada kilo ang imported regular-milled rice.

Samantala, nasa PHP43 hanggang PHP60 kada kilo ang lokal na premium rice, habang nasa PHP45 kada kilo ang well-milled rice at PHP40 kada kilo ang regular-milled rice.

Ayon kay De Mesa, nananatiling matatag ang suplay ng iba pang produktong agrikultural.

“Other commodities, ‘yung ating gulay at saka karamihan ng karne natin, galing ng Amerika at Europa, so hindi naman ito apektado nitong nagaganap na sigalot (the vegetables and most of our meat supply come from America and Europe, so it’s not significantly affected by the tension),” aniya.

Gayunman, sinabi niyang maaaring maapektuhan ang retail prices kung tataas ang global oil prices, lalo na kung magkakaroon ng aberya sa daloy ng kalakalan sa Strait of Hormuz.

Sa ganitong sitwasyon, maaaring magbigay ang DA ng logistics assistance tulad ng trucking aid, fuel subsidies at pakikipag-ugnayan sa Toll Regulatory Board para sa discounted toll rates sa pagbiyahe ng agricultural goods.

“Nagawa na iyan before, nagkaroon tayo ng assistance sa logistics sa baboy galing GenSan, galing Mindanao, dahil tinulungan natin sila to bring ‘yung kanilang pork nila dito sa Metro Manila (We have done it before, we have provided assistance in the logistics of hogs from General Santos City in Mindanao, because we have helped them transport their pork products here in Metro Manila),” aniya.

“So, it has been done before, so pwedeng i-consider kung mayroong pagkakataon (it can also be considered if there’s an opportunity).”

Dagdag pa niya, patuloy ding magbibigay ng abot-kayang pagkain ang pamahalaan sa pamamagitan ng mga Kadiwa ng Pangulo sites sa buong bansa. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here