MANILA, Philippines — Apat na prison officers ang inalis sa kanilang puwesto matapos makatakas ang isang person deprived of liberty (PDL) mula sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro nitong Martes, ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, kinilala ng BuCor ang tumakas na PDL na si Tyrone Dela Cruz, na hinatulan ng reclusion perpetua ng korte sa Laguna noong 2017 dahil sa kasong kidnapping with ransom.
Ang mga inalis sa puwesto ay sina CO3 Jon Jon Edic, shift commander; CO1 Nelbert Moro, keeper o direct custodian; CO1 Lexter Gonzales, Post Tower 1 sentinel; at CO1 Lionel Darrold Orandain, Post Tower 2 sentinel. Inilipat sila ng assignment habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Nadiskubre ang pagtakas bandang 5:47 ng hapon matapos mapansing nawawala si Dela Cruz sa routine headcount.
Batay sa ulat, naglakad umano ang PDL patungo sa basketball court area bago tumakas sa pagitan ng Post Tower 1 at Post Tower 2.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng bilangguan at nagpaputok ng warning shots ngunit nakatakas pa rin si Dela Cruz patungo sa kalapit na forested area.
Ayon sa BuCor, nagsasagawa na ng malawakang manhunt ang lahat ng available personnel mula sa Super Maximum Prison Facility at nakikipag-ugnayan na rin sa iba pang law enforcement agencies kabilang ang Philippine Army. Mary Anne Sapico