Home NATIONWIDE Pananahimik ng CSOs, religious leaders, solons sa male-maletang pera, kinuwestyon ni VP...

Pananahimik ng CSOs, religious leaders, solons sa male-maletang pera, kinuwestyon ni VP Sara

144
0

MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang tinawag niyang “nakakabinging katahimikan” ng ilang civil society groups, religious leaders, at mga mambabatas hinggil sa mga alegasyon na may mga maletang puno ng pera na inihatid sa ilang indibidwal sa utos umano ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Ang mga paratang ay inilabas ni lawyer Levito Baligod at ng 18 umano’y dating Marines na nagsabing may mga indibidwal na tumanggap ng cash deliveries. Si Duterte, na kasalukuyang nahaharap sa mga impeachment complaints dahil sa umano’y maling paggamit ng pondo ng gobyerno, ay nagsabing hindi dapat pili lamang ang kinagagalitan pagdating sa isyu ng korapsyon.

“Sadyang nakakabingi ang katahimikan ng mga civil society groups na dati ay mabilis maglabas ng pahayag, ng mga religious leaders na handang manindigan sa usapin ng moralidad, at ng mga mambabatas na nagsasabing sila ay para sa transparency at accountability,” ani Duterte sa isang pahayag.

Kinuwestiyon din niya ang umano’y kawalan ng agarang aksyon mula sa kasalukuyang administrasyon upang imbestigahan ang mga alegasyon ng bilyon-bilyong suhol na may kaugnayan sa flood control projects, International Criminal Court (ICC), at mga hakbang upang i-impeach siya.

“Dagdag pa rito, tila walang interes o agarang hakbang mula sa kasalukuyang administrasyon na siyasatin ang katotohanan hinggil sa mga bilyon-bilyong suhol kaugnay ng flood control, ng ICC, at ng impeachment efforts laban sa akin,” dagdag niya.

Ayon sa mga dating Marines, pinondohan umano nina Co at dating senador Antonio Trillanes IV ang hotel accommodations ng mga imbestigador ng ICC, at may mga cash deliveries ding ginawa sa bahay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Ilocos Norte.

Itinanggi ng Malacañang at ng iba pang personalidad na nadawit sa alegasyon ang naturang mga paratang, habang sinabi ng ICC Office of the Prosecutor na ang kanilang mga aktibidad ay pinopondohan ng ICC.

Para kay Duterte, hindi dapat limitado sa iilang tao lamang ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng korapsyon.

“Hindi maaaring pumili kung sino lamang ang iimbestigahan. At hindi maaaring manahimik tuwing ang mga sangkot ay malapit sa kapangyarihan,” aniya.

“Ang pera ng bayan ay hindi dapat inilalagay sa maleta, at ang katotohanan ay hindi dapat inilalagay sa katahimikan,” dagdag niya.

Noong Miyerkules, sinabi ng House committee on justice na may sapat na batayan ang mga impeachment complaints laban kay Duterte. Kabilang sa mga akusasyon ang betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds at pagbabanta umano na papatayin ang Pangulo at ang kanyang pamilya. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here