MANILA — Isinasaalang-alang ng Philippine National Police (PNP) ang paggamit ng mga electric vehicle (EV) bilang bahagi ng kanilang patrol fleet sa gitna ng inaasahang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sigalot sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., nagsisilbing “wake-up call” para sa ahensya ang tensyon sa Middle East upang muling suriin ang polisiya sa pagbili ng mga patrol vehicle.
“For an agency that is dependent on fuel in its daily operation, we view the Middle East tensions as a wake-up call for us to revisit the policy on patrol vehicle procurement,” ani Nartatez.
Gayunman, sinabi niyang magsasagawa muna ang PNP ng pag-aaral upang malaman kung praktikal, maaasahan, at angkop sa pang-araw-araw na operasyon ng pulisya ang paggamit ng mga electric vehicle.
Binigyang-diin din ng PNP chief na hindi dapat makompromiso ang mabilis na police response at kaligtasan ng publiko habang sinusuri ang posibilidad ng paggamit ng EVs.
Nauna nang sinabi ng Department of Energy na maaaring tumaas ng P7 hanggang P10 kada litro ang presyo ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na linggo dahil sa epekto ng sigalot sa Middle East sa pandaigdigang suplay ng langis.
Samantala, sinabi ng Malacañang na balak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang mga panukalang batas na magbibigay sa kanya ng kapangyarihang bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo. Santi Celario