Home NATIONWIDE P.7M ‘kush’ nabuking sa parcel sa Clark

P.7M ‘kush’ nabuking sa parcel sa Clark

161
0

MANILA, Philippines – Nasa higit P756,000 halaga ng high-grade marijuana o “kush” ang nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs sa isang parcel sa isinagawang operasyon sa Clark, Pampanga.

Nabatid sa BOC na ang naturang parcel na idineklarang “Women’s Woven Shirt” ay nagmula sa Canada at nakatakdang ipadala sa Dasmariñas City, Cavite, ngunit naharang matapos makatanggap ng impormasyon ang PDEA na posibleng may iligal na laman ang kargamento.

Dumaan sa X-ray scanning at K9 inspection ang parcel bago isinailalim sa masusing pisikal na pagsusuri ng mga awtoridad.

Sa inspeksyon, natuklasan ang anim na pakete na balot sa aluminum foil na naglalaman ng anim ding transparent plastic pouch na may tuyong dahon at fruiting tops na hinihinalang high-grade marijuana.

Tinatayang 504 gramo ang kabuuang timbang ng nasabing droga na kalaunan ay kinumpirma ng PDEA sa pamamagitan ng chemical analysis na tunay na marijuana, na itinuturing na mapanganib na droga sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Lumabas din sa imbestigasyon na lumabag ang shipment sa ilang probisyon ng Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) kaugnay ng iligal na pag-angkat ng kontrabando.

Ayon sa BOC, mula pa noong unang bahagi ng 2026, mahigit ₱22 milyong halaga ng ilegal na droga ang napigilan nang makapasok sa bansa sa pamamagitan ng operasyon sa Port of Clark.

Sinabi ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na patunay ang pagkakasabat sa matibay na koordinasyon ng BOC at mga partner agency sa pagpigil sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

Samantala, iginiit naman ni District Collector Jairus S. Reyes na patuloy ang mahigpit na pagbabantay at inspeksyon sa Port of Clark upang mapigilan ang smuggling at mapanatiling ligtas ang supply chain ng bansa. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here