MANILA, Philippines – Matapos ang halos ikamatay niyang karanasan sa ospital noong nakaraang taon, ibinahagi ng skincare entrepreneur na si Glenda Dela Cruz, mas kilala bilang “Miss Glenda,” ang kanyang pinagdaanang pagsubok at ang kanyang sagot sa mga paratang na kumalat laban sa kanya.
Sa panayam ni Ogie Diaz, ikinuwento ni Miss Glenda na noong nakaraang taon ay muntik na siyang mawalan ng buhay matapos ma-admit sa Intensive Care Unit (ICU) dahil sa pneumonia na kalauna’y nauwi sa stroke.
“Last year po nasa ICU ako, nag-aagaw buhay. Iyong mga anak ko umiiyak po sa akin. And I almost gave up. Nasabi ko ayoko na po, ayaw ko na po talaga,” ani Miss Glenda.
Ayon sa kanya, nagsimula ang kanyang kondisyon sa matinding pneumonia na nakaapekto sa kanyang baga bago siya nakaranas ng stroke makalipas ang ilang araw.
“Nagsimula siya sa pneumonia. So yung lungs ko po, napapalibutan siya ng phlegm. And then after four days, na-stroke po ako. Then iyon na po, nag-worsen po iyong condition ko,” dagdag niya.
Ibinahagi rin niya na sa isang punto ay nagsulat pa siya ng liham sa kanyang pinsan upang ipahayag ang kanyang pagod sa laban. Gayunman, nagbago ang kanyang desisyon nang makita niya ang kanyang mga anak sa ospital.
“So the moment na pag-alis ng mga anak ko, nagsabi na po ako na ilipat niyo po ako sa mas malaking hospital,” ani niya, na nagsabing kinailangan pa ng pahintulot ng kanyang pamilya dahil delikado ang proseso ng paglilipat sa ibang ospital.
Ayon kay Miss Glenda, ang karanasang iyon ang nagbigay sa kanya ng panibagong pananaw sa buhay.
“I think, after everything that happened to me, parang siguro po sinasabi Niya sa akin na hindi ka pa pwedeng mag-give up kasi ang dami pang umaasa sa iyo,” wika niya, bilang pagtukoy sa kanyang pamilya at sa mahigit 1,000 empleyado ng kanyang kumpanyang Brilliant Skin Essentials.
“I have 1000 employees, can you imagine kung sumuko ako? Pag na-down ako? Maraming family na maaapektuhan,” dagdag niya, na sinabing kabilang sa kanyang mga empleyado ang ilang may kapansanan na aniya’y nabigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa kanyang kumpanya.
Sa parehong panayam, sinagot din ni Miss Glenda ang mga kumalat na tsismis at blind items sa social media na nag-uugnay umano sa kanya sa dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
“After two weeks of my vacation na sobrang jetlag pa ako, biglang may lumabas na blind item na sinasabi na may possibility na linked ako kay Zaldy Co dahil pumunta ako sa Portugal,” paliwanag niya.
Iginiit ni Miss Glenda na wala siyang personal na ugnayan sa dating mambabatas.
“Hindi ko po siya kilala at hindi ko pa siya nakikita,” ani niya, habang sinasabing ang kanyang tagumpay sa negosyo ay bunga ng maraming taon ng pagtatrabaho at pagpapalago ng kanyang skincare brand.
“Ilang taon na po yung paratang sa akin. Kasi ayaw po nilang maniwala na possible na sa isang skincare pwede ka talagang kumita nang malaki,” dagdag niya.
Sa ngayon, sinabi ni Miss Glenda na nakatuon siya sa kanyang patuloy na paggaling, sa kanyang pamilya, at sa pagpapatuloy ng kanyang negosyo, habang ipinapahayag na mahalaga sa kanya ang pagkakataong mabigyan ng “pangalawang buhay.” RNT