MANILA, Philippines – MAGKAKASAMANG inakyat ng First Family ang lumang foot bridge na una nang binansagang Mount Kamuning footbridge sa lungsod ng Quezon.
Inakyat mismo nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr pati na nina First Lady Liza Marcos at Presidential son Vinny Marcos ang nasabing foot bridge.
Sa naging pahayag ng Chief Executive matapos ang inspeksyon, sinabi nitong ramdam na ramdam ang paggalaw ng lumang footbridge na aniya’y ipatatanggal na sa mga susunod na araw.
Sa kabilang dako, ininspeksyon din ng Pangulo ang bagong Kamuning bus station na maliban sa hagdan ay mayroon ding elevator na maaaring magsilbi sa mga people with disability (PWD).
Kaya nga, nasabi ng Pangulo na masaya siya sa pagkakaroon ng bagong Kamuning footbridge at bus station na una nang target na tapusin sana sa loob ng anim na buwan subalit kinayang tapusin ng apat na buwan.
Samantala, nasa kabuuang P87 milyon ang ginugol na halaga para sa naturang proyekto. KRIS JOSE