MANILA, Philippines — Magbibigay ng libreng birth certificate at marriage certificate ang Philippine Statistics Authority para sa mga kababaihan sa Metro Manila tuwing Lunes ngayong Marso bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month.
Ayon sa PSA, maaaring mag-avail ng libreng serbisyo ang mga babaeng kliyente sa piling Civil Registry System (CRS) outlets sa National Capital Region. Gayunman, limitado ang bilang ng mga sertipikong ipagkakaloob nang libre at nakabatay ito sa pasya ng bawat CRS outlet.
Kinakailangang magpakita ng isang valid ID ang mga kababaihang nais kumuha ng libreng birth o marriage certificate sa mga CRS outlet ng PSA.
Inihayag din ng ahensya na magsasagawa ito ng civil registration at national ID caravan sa Marso 27 sa Barangay Kaybanban sa San Jose del Monte.
Kabilang sa mga serbisyong ibibigay sa caravan ang libreng national ID registration, validation, at konsultasyon para sa iba pang katanungan. Santi Celario