MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development laban sa isang Facebook group na nagpapanggap na opisyal na source ng impormasyon para sa travel clearance ng mga menor de edad.
Ang grupo na may pangalang “DSWD Travel Clearance” ay gumagamit ng logo ng Minors Traveling Abroad (MTA) program ng ahensya bilang cover photo, na maaaring magbigay ng impresyon sa publiko na ito ay opisyal na platform.
Nilinaw ni Irene Dumlao, assistant secretary at tagapagsalita ng DSWD, na hindi pinamamahalaan o awtorisado ng kagawaran ang impormasyong ibinabahagi sa naturang Facebook group.
“We do not control the information circulating there, so the public should not immediately believe those offering help or assistance inside the group,” aniya.
Ayon sa DSWD, may mga post sa grupo mula sa mga magulang at indibidwal na humihingi ng payo tungkol sa paglalakbay sa ibang bansa kasama ang kanilang mga anak, pati na mga testimonial na nag-eendorso sa mga taong nag-aalok umano ng tulong sa pagproseso ng travel clearance requirements.
Gayunman, binigyang-diin ng ahensya na hindi nito beripikado ang mga paalala, tips, o iba pang impormasyon na ibinabahagi sa naturang grupo.
“There is nothing wrong with having a platform where beneficiaries can ask questions or raise concerns. What is worrisome is that misunderstandings may arise because information in an unverified Facebook group may not align with the rules of the MTA program,” ani Dumlao.
Hinimok ng DSWD ang publiko na umasa lamang sa mga opisyal na communication channels ng ahensya para sa tamang impormasyon tungkol sa MTA program at iba pang serbisyo.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga kliyente sa mga field office ng DSWD, gayundin sa mga municipal at city social welfare and development offices para sa tulong.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko na hindi ito naniningil ng bayad sa pagtulong sa pagproseso ng mga dokumento at requirements para sa travel clearance.
“The DSWD does not tolerate fixers who offer such services in exchange for payment and these acts are punishable under existing laws,” ani Dumlao. Santi Celario