MANILA, Philippines – Posibleng tumaas ang presyo ng kuryente sa Pilipinas kasunod ng inaasahang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Batay sa projections ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines, maaaring umakyat ang presyo sa Wholesale Electricity Spot Market kung magpapatuloy ang global fuel supply disruptions.
Isinasaalang-alang sa simulations ang posibleng pagtaas ng presyo ng coal, oil, at liquefied natural gas (LNG) sa pandaigdigang merkado, pati na ang mga limitasyon sa suplay. Kapag tumaas ang gastos sa fuel, maaaring ipasa ito ng mga power generator sa kanilang market offers na magtutulak pataas sa presyo ng kuryente.
“This is part of our proactive approach. We conduct stress tests to understand possible risks early and ensure that consumer protection mechanisms are in place should global fuel volatility persist,” ani ERC Chairperson at CEO na si Francis Saturnino Juan.
“Our priority is to protect consumers from undue price volatility while ensuring a stable and reliable power supply. Preparedness remains important given the Philippines’ exposusre to global energy markets,” dagdag pa niya.
Kasunod ito ng inaasahang malaking taas-presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sinabi ng ERC na nananatiling umiiral ang mga regulatory safeguards ng bansa, kabilang ang Secondary Price Cap na awtomatikong ipinatutupad kapag lumampas sa itinakdang threshold ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo.
Inatasan din ng komisyon ang IEMOP at ang ERC Market Operations Service na mahigpit na bantayan ang galaw ng merkado at iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang maiwasan ang pang-aabuso sa market power.
Nauna nang sinabi ng Department of Energy na maaaring madagdagan pa ang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa mga global development tulad ng posibleng pagsasara ng Strait of Hormuz.
Samantala, sinabi ng Manila Electric Company na nire-review nito ang fuel position nito, partikular sa LNG, upang masuri ang posibleng epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan sa presyo ng kuryente.
Lalong uminit ang sitwasyon sa Gitnang Silangan matapos mapatay sa US-Israeli airstrikes ang Iranian Supreme Leader na si Ayatollah Ali Khamenei, na kalaunan ay kinumpirma ng Iranian state media.
Nauna nang sinabi ni Donald Trump na magpapatuloy ang combat operations sa Iran hanggang makamit ang lahat ng layunin ng operasyon. Kinumpirma rin niya na tatlong US service members ang nasawi at posibleng madagdagan pa ang bilang ng casualties. Dave Baluyot