MANILA, Philippines – Hinihinalang onsehan sa droga ang dahilan ng pagkamatay ng isang motorcycle rider matapos barilin ng kapwa rider sa General Trias City, Cavite.
Sa report ng pulisya, nadala pa sa General Trias Medicare Hospital ang biktimang si alyas Ed, 37, binata at residente ng Camachille Subdivision sa nasabing lugar, subalit patay na ito nang idating sa pagamutan (dead on arrival) dahil sa tinamong tama ng bala sa kanang bahagi ng ulo.
Sa ulat, bandang alas-4:30 kamakalawa ng hapon nang naganap ang insidente sa Block 24, Camachille Subdivision, Brgy. Pasong Camachille 1, kung saan minamaneho ng biktima ang kanyang kulay asul na Motor Star na walang plaka pauwi sa kanilang bahay nang sundan siya ng suspek na sakay naman ng Yamaha Mio na motorsiklo.
Napag-alaman na pagdating sa pinangyarihan ng insidente ay kaagad na binaril ng suspek ang biktima.
Patuloy naman ang follow-up operation ng pulisya sa posibleng kinaroroonan ng suspek na nakilalang si alyas Poks, na sakay ng kulay itim na Yamaha Mio, na tumakas matapos ang pamamaril.
Narekober malapit sa lugar ng insidente ang isang pirasong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu mula sa lugar malapit sa motorsiklong ginamit ng biktima.
Inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa droga ang naging motibo sa pagpatay. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kung saan droga ang tinitingnang dahilan ng pagpatay. Margie Bautista