Home NATIONWIDE 3 Pinoy na nag-espiya vs Pinas, nasa kustodiya ng AFP

3 Pinoy na nag-espiya vs Pinas, nasa kustodiya ng AFP

185
0

MANILA, Philippines – Isinailalim na sa kustodiya ng Armed Forces of the Philippines ang tatlong Pilipinong umano’y sangkot sa foreign-backed espionage, ayon sa isang mataas na opisyal ng militar.

Ayon kay Roy Vincent Trinidad, nakikipagtulungan ang mga indibidwal sa mga awtoridad at sumailalim na sa mga tamang proseso.

“They are now under the control of the AFP. We just ensure they are under control. Cooperative naman sila…They have undergone due process kung ano dapat ang mga proseso,” ani Trinidad sa mga mamamahayag.

Ayon sa mga awtoridad, ang tatlong Pilipino ay dating nagtrabaho sa Department of National Defense at sa Philippine Navy, at may malapit na access sa isang miyembro ng Philippine Coast Guard. May access umano sila sa iba’t ibang classified data kabilang ang internal reports, tactical information, at operational plans.

Sinabi ni Trinidad na isa sa mga sangkot ay dating Navy personnel na nagsimula bilang researcher sa Department of National Defense bago lumipat sa Philippine Navy.

“Ang pinag-uusapan natin, ‘yung isang tao lang, coming from DND, isang researcher from DND. And then may nag-open sa Navy na mas mataas ‘yung salary grade, so lumipat sa Philippine Navy,” aniya.

Dagdag niya, may isang suspek na nagbigay umano ng partikular na impormasyon na may kaugnayan sa isang contact na naka-assign sa Palawan na maaaring nagamit ng mga dayuhang kalaban.

“Yung isa na ‘yung girlfriend assigned sa Palawan, there were instances na specific ‘yung binigay niyang information. That was advantageous or used by the adversary, by the other side,” ani Trinidad.

Ayon sa opisyal ng Philippine Navy, ang modus operandi ng umano’y espionage activities ay ang pagre-recruit ng mga indibidwal sa pamamagitan ng online job platforms, kadalasang target ang mga bagong graduate at inaalok ng trabaho bilang analysts.

“So may kokontak sa kanila, would you like to work for..as we are a consulting firm, you will be a columnist or analyst ka etcetera. Could you submit to us your example of your write-up o ‘yung output mo,” aniya.

“Then, pag-submit ‘yan before you know it, they will slowly tell you what to write about. And may financial consideration ito. If they like what you are writing, may papadala silang pera. Through GCash or ‘yung other electronic means of transferring,” dagdag pa niya.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng AFP na patuloy nitong ipinatutupad ang mga security vetting, monitoring, at counterintelligence measures upang maprotektahan ang integridad ng mga personnel at sensitibong impormasyon.

Ayon sa militar, nakikipagtulungan ang mga sangkot sa mga imbestigador at isinasagawa ang proseso alinsunod sa batas. Hindi muna maaaring ilahad ang ilang operational details dahil sa usapin ng national security.

Binigyang-diin din ng AFP na ang modernong espionage ay lalong gumagamit ng teknolohiya at cyber methods, kaya kinakailangang patuloy na palakasin ang mga safeguards at legal framework upang maprotektahan ang pambansang seguridad. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here