Home METRO Butanding season sa Sorsogon, nagsimula na!

Butanding season sa Sorsogon, nagsimula na!

425
0

SORSOGON, Philippines – Nagsimula nang magpakita ang mga whale shark o “butanding” sa Donsol Bay sa bayan ng Donsol, Sorsogon kasabay ng pagsisimula ng taunang interaction season. Dahil dito, pinaalalahanan ng World Wide Fund for Nature Philippines ang mga turista na mahigpit na sundin ang no-feeding policy.

Ayon kay Manuel Narvadez Jr., manager ng WWF Philippines Donsol Integrated Conservation Program, naaakit ang mga butanding sa lugar dahil sa dami ng plankton na pangunahing pagkain ng mga ito.

“Actually, from November until June, plankton are present in the area, which attracts the butanding, with March to May as the peak season,” ani Narvadez.

Dagdag pa niya, paborito ng mga butanding ang karagatan ng Donsol dahil sa tamang temperatura ng tubig at magandang kondisyon ng marine ecosystem, lalo na sa loob ng Ticao-Burias Pass Protected Seascape na idineklarang marine protected area noong Hunyo 2018.

Sinabi rin ni Narvadez na bihira ang insidente ng pagkakakulong ng butanding sa lambat ng mga mangingisda dahil alam nilang maaaring masira ang kanilang gamit kapag nadikitan ito ng malaking hayop. May ilang sugat naitala noon na dulot ng aksidenteng pagkakatama sa propeller ng bangka.

Upang masubaybayan ang populasyon, kinukunan ng litrato ng mga mananaliksik ang magkabilang bahagi ng katawan ng bawat butanding dahil natatangi ang spot patterns nito, na nagsisilbing parang fingerprint ng tao.

Binigyang-diin ni Narvadez ang kahalagahan ng mahigpit na pagsunod sa no-feeding policy upang maprotektahan ang species na maaaring mabuhay ng 60 hanggang 100 taon.

“Whale sharks are highly migratory and search for food in the wild. Feeding them may cause them to remain in the area, which could eventually affect their health and natural growth,” aniya.

Pinapayuhan din ang mga turista na manatiling hindi bababa sa apat na metro ang layo mula sa ulo at buntot ng butanding, iwasan ang paggamit ng lotion o kemikal bago lumangoy, at huwag gumamit ng flash photography.

Inirerekomenda ring tatlo hanggang apat lamang ang pasahero bawat bangka upang hindi ma-stress ang mga hayop.

Batay sa monitoring ng WWF, walong butanding sightings na ang naitala sa Donsol mula noong Pebrero 3. Noong 2025, may 64 sightings na naitala—34 bagong indibidwal at 30 resightings—na nagdala sa kabuuang bilang ng mga butanding na naitala sa lugar sa 1,506 mula pa noong 2007. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here