MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang suspek sa pamamaril sa isang condominium sa Parañaque City na ikinamatay ng dalawang lalaki at ikinasugat ng apat pang iba nitong linggo.
Ayon sa paunang ulat, naaresto ang suspek ng mga operatiba ng Parañaque City Police Station kasama ang iba pang yunit ng pulisya bandang alas-9 ng gabi sa loob ng isang unit sa Barangay Moonwalk.
Isinagawa ang pag-aresto matapos ang manhunt operation kasunod ng pamamaril noong Marso 4, kung saan nagkaroon ng putukan sa isang basketball court sa loob ng condominium complex.
Sa operasyon, narekober din ng pulisya mula sa suspek ang dalawang baril, apat na magazine, at 47 bala.
Ayon sa mga awtoridad, patuloy pa ang imbentaryo ng mga nakuhang ebidensya.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Parañaque City Police Station ang suspek para sa dokumentasyon at kaukulang legal na proseso.
Hindi pa inilalabas ng pulisya ang posibleng motibo sa pamamaril habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/MND