Home TOP STORIES Anak ni Khamenei posibleng maging bagong Supreme Leader ng Iran

Anak ni Khamenei posibleng maging bagong Supreme Leader ng Iran

183
0
A person holds an image of Iran's Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei as Iranian demonstrators protest against the U.S.-Israeli strikes, in Tehran, Iran, February 28, 2026. Majid Asgaripour/WANA (West Asia News Agency) via REUTERS ATTENTION EDITORS - THIS PICTURE WAS PROVIDED BY A THIRD PARTY

TEHRAn, Iran – Inihahanda ng Iran ang pag-anunsyo ng bagong Supreme Leader matapos mapatay ang Supreme Leader na si Ali Khamenei sa mga pag-atake ng Israel na suportado ng United States.

Ayon sa mga miyembro ng Assembly of Experts, nagkaroon na sila ng pribadong pagpupulong upang pumili ng kapalit ni Khamenei, ngunit hindi pa nila inilalabas ang pangalan ng napili.

Gayunman, may mga nagsasabing ang 56-anyos na anak ni Khamenei na si Mojtaba Khamenei ang posibleng pumalit sa kanyang ama.

“The name of Khamenei will continue,” ani Hosseinali Eshkevari, isang miyembro ng council na pipili ng bagong lider.

“The vote has been cast and will be announced soon,” dagdag niya.

Sinabi rin ni cleric Ahmad Alamolhoda na ang secretary ng council na si Hosseini Bushehri ang mag-aanunsyo ng bagong Supreme Leader.

Samantala, sinabi ni Donald Trump na dapat magkaroon ng papel ang United States sa pagpili ng bagong lider ng Iran.

“If he doesn’t get approval from us he’s not going to last long,” saad ni Trump sa ABC News.

Ngunit sinabi ng foreign minister ng Iran na si Abbas Araghchi na ang desisyon ay para lamang sa Iran at hindi dapat makialam ang ibang bansa.

Dagdag pa niya, dapat humingi ng paumanhin si Trump sa mga tao sa rehiyon dahil sa mga pagkamatay at pagkasira dulot ng digmaan.

Patuloy ang pag-atake ng Israel sa Iran. Pinuntirya ng Israeli warplanes ang limang oil facility sa Tehran, na nagdulot ng malalaking sunog at makapal na usok sa lungsod.

Ayon sa opisyal ng oil industry, apat na tao ang namatay sa mga pag-atake. Sinabi naman ng gobernador ng Tehran na pansamantalang naapektuhan ang fuel distribution sa lungsod.

Sa ika-siyam na araw ng digmaan, sinabi ng Islamic Revolutionary Guard Corps na mayroon silang sapat na suplay upang ipagpatuloy ang drone at missile attacks sa loob ng anim na buwan.

May mga pagsabog ding narinig sa Tel Aviv matapos maglunsad ng mga missile ang Iran laban sa Israel. Ayon sa emergency service na Magen David Adom, anim na tao ang nasugatan.

Samantala, nakaranas din ng mga drone attack ang mga bansa sa Gulf tulad ng Saudi Arabia, Kuwait, United Arab Emirates at Bahrain. Iniulat ng Bahrain na may nasirang desalination plant, habang sinabi ng Kuwait na tinamaan ang fuel tanks sa kanilang international airport.

Sa Lebanon, sinabi ng health ministry na hindi bababa sa 394 katao ang namatay sa Israeli air strikes sa nakaraang linggo, kabilang ang 83 bata at 42 babae. Dalawang sundalo naman ng Israel ang namatay sa labanan sa southern Lebanon.

Ayon sa health ministry ng Iran, mahigit 1,200 sibilyan ang nasawi at nasa 10,000 ang nasugatan sa digmaan, bagaman hindi pa ito nakukumpirma nang hiwalay.

Samantala, nanawagan si Pope Leo XIV na matigil ang pambobomba at magkaroon ng pag-uusap para sa kapayapaan, habang sinabi ng China na hindi dapat mangyari ang digmaan at hindi dapat bumalik ang mundo sa “law of the jungle.” RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here