MANILA, Philippines – Isinusulong ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) ang panukalang batas na magbibigay ng 50 porsiyentong diskwento sa kuryente para sa mga kwalipikadong sambahayan na may minimum wage earner.
Pinangungunahan ni Martin Romualdez, pangulo ng partido at kinatawan ng Leyte 1st District, ang panukala sa House of Representatives of the Philippines sa pamamagitan ng House Bill No. 8191.
Layunin ng panukala na magbigay ng tulong sa mga pamilyang Pilipino na nahihirapan sa tumataas na gastusin, lalo na habang tumataas ang presyo ng fuel sa buong mundo dahil sa tensyon sa Middle East.
Bahagi ang panukala ng programang GINHAWA KIT (Kuryente–Internet–Trabaho) ng Lakas-CMD na naglalayong bawasan ang gastusin ng mga pamilyang manggagawa.
“Lakas-CMD has resolved to put this electricity relief into legislation. When a minimum wage earner works every day and still comes up short at the end of the month, we have a duty to deliver concrete relief—and one of the most direct ways is to cut power costs at home,” ayon kay Romualdez.
Inihain ang panukalang batas nina Deputy Speakers David “Jay-Jay” Suarez ng Quezon 2nd District at Jay Khonghun ng Zambales 1st District.
Ayon kay Suarez, sa ilalim ng panukalang “Ginhawa sa Kuryente Act,” ang 50% diskwento ay para sa mga sambahayang may hindi bababa sa isang minimum wage earner at ilalapat sa isang residential electricity account ng kanilang pangunahing tirahan. Dadaan din ito sa beripikasyon at regular na pagsusuri upang maiwasan ang pang-aabuso.
Sinabi naman ni Khonghun na makakatulong ang diskwento dahil ang kuryente ay mahalaga sa kalusugan, edukasyon, kaligtasan at kabuhayan, at ang patuloy na pagtaas ng bayarin sa kuryente ay nagdudulot ng sakripisyo sa pagkain, transportasyon, school requirements at gamot ng mga pamilya.
Kasama rin sa panukala ang pagpapalakas ng lifeline rate para sa marginalized end-users. Ayon kay Romualdez, awtomatikong ilalapat ng mga distribution utility ang benepisyo sa mga kwalipikadong sambahayan upang hindi na kailangan pang dumaan sa komplikadong proseso ng aplikasyon.
Para naman sa mga mahihirap na pamilya na hindi lalampas sa 50 kilowatt-hours (kWh) ang konsumo kada buwan, magbibigay ang panukala ng 100% diskwento sa ilang electricity charges, na tutukuyin ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Sinabi ng mga may-akda ng panukala na mahalaga ang automatic enrollment dahil maraming benepisyaryo ang hindi nakakakuha ng tulong kapag manual ang proseso ng pagrehistro, lalo na ang mga nasa malalayong lugar o kulang sa dokumento.
Ayon kay Deputy Speaker Janette Garin ng Iloilo 1st District, pangunahing bahagi ng GINHAWA KIT ang panukala dahil layunin nitong bawasan ang gastos sa pamumuhay sa pamamagitan ng kuryente, internet at trabaho.
Layunin din ng panukala na maging mas patas ang sistema para sa mga umuupa ng bahay, may shared connection, o ang account ay hindi nakapangalan sa mismong gumagamit. Inaatasan ang ERC na gumawa ng mga patakaran upang maiwasan ang hindi makatarungang pag-alis sa mga benepisyaryo at maglatag ng malinaw na proseso para sa reklamo at koreksiyon.
Upang maiwasan ang pang-aabuso, kabilang sa mga safeguard ang isang household, isang account rule, limitasyon sa pangunahing tirahan, at regular na beripikasyon ng mga benepisyaryo. Mayroon ding parusa para sa pandaraya o maling impormasyon.
Iminumungkahi rin ng panukala ang pagbuo ng inter-agency monitoring committee na pamumunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kasama ang Energy Regulatory Commission at Department of Energy bilang co-chair.
Ang komiteng ito ang magbabantay sa implementasyon ng programa, susuri sa eligibility ng mga benepisyaryo, at titiyak na sumusunod ang mga service provider habang pinoprotektahan ang datos ng publiko alinsunod sa Data Privacy Act of 2012. RNT/MND