Home NATIONWIDE 11 Pinoy sa Iran, ligtas na nailikas sa Turkey – DFA

11 Pinoy sa Iran, ligtas na nailikas sa Turkey – DFA

140
0

MANILA, Philippines – Ibinahagi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ligtas nang nailikas sa Turkey ang 11 Pilipino mula sa Iran sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon at kaguluhan sa Middle East.

Ayon sa DFA, inaasahang uuwi sa Pilipinas sa mga susunod na araw ang mga overseas Filipino matapos silang mailipat sa Türkiye bilang bahagi ng evacuation efforts ng pamahalaan.

Sinabi ng ahensya na nakahanda ang Philippine Embassy sa Tehran na tumulong sa tinatayang 800 Pilipino na kasalukuyang naninirahan sa Iran sakaling nais nilang magpa-repatriate pabalik ng bansa.

Iginiit ng DFA na patuloy ang kanilang koordinasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga kababayang Pilipino na maaaring maapektuhan ng lumalalang sitwasyon sa rehiyon.

Pinayuhan din ng ahensya ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong na makipag-ugnayan sa embahada sa pamamagitan ng mga contact number at opisyal na communication channels na naka-post sa website at social media pages nito.

Ayon pa sa DFA, naging posible ang paglilikas sa mga Pilipino dahil sa mahigpit na koordinasyon ng Philippine Embassies sa Tehran, Iran at Ankara, Turkey.

Naging daan din umano ang Assistance-to-Nationals (ATN) Fund ng DFA upang mapondohan ang evacuation ng mga Pilipino mula sa Iran.

Nagpasalamat naman ang DFA sa mga pamahalaan ng Türkiye at Iran sa kanilang mahalagang tulong upang matiyak ang ligtas na pagdaan at paglikas ng mga Pilipino sa gitna ng umiiral na krisis sa Middle East. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here