Home METRO Higit P16.1M marijuana winasak sa 18 taniman sa Ilocos Sur

Higit P16.1M marijuana winasak sa 18 taniman sa Ilocos Sur

144
0
via Philippine National Police

ILOCOS SUR, Philippines – Winasak ng mga awtoridad ang mahigit ₱16.1 milyong halaga ng marijuana mula sa 18 taniman sa Ilocos Sur nitong weekend, ayon sa Philippine National Police (PNP) noong Linggo.

Ayon sa PNP, nagsagawa ng malawakang operasyon laban sa marijuana ang kanilang mga yunit kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Marso 6 at 7.

Natuklasan ng mga awtoridad ang 18 taniman ng marijuana na may kabuuang lawak na 13,000 square meters. Dito ay mayroong 63,000 ganap nang lumaking halaman ng marijuana, 27.7 kilo ng tuyong tangkay, at isang kilo ng tuyong fruiting tops na tinatayang nagkakahalaga ng ₱16.182 milyon.

Agad na winasak ang mga ilegal na halaman habang kumuha naman ang mga awtoridad ng ilang sample ng mga ganap na lumaking halaman at tuyong tangkay para sa laboratory examination.

“Ang mga ganitong operasyon ang patunay na hindi kami hihinto sa pagpapatupad ng batas laban sa iligal na droga. Kahit saan ito tumubo, titiyakin naming mapupunta sa tama ang hustisya,” ani PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr.

“Ang sama-samang pagkilos ng ating mga yunit ay nagpapakita na ang PNP ay seryoso sa pagpapatupad ng batas, proteksyon sa mamamayan, at pagtugon sa krimen,” dagdag niya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here