MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na ang pagkakatanggal kay Caloocan Rep. Edgar Erice bilang senior deputy minority leader ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay dahil sa kakulangan ng suporta mula sa sarili niyang grupo at pag-ayaw sa kanya ng mga ito.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na wala ni isa man aniya na dapat sisihin si Erice sa nangyari sa kanya kundi ang kanyang sarili.
“Katulad na sinabi natin, itong si Congressman Ericewala siyang ibang sinisi, lahat sinisi niya maliban sa kanyang sarili. Grupo po niya ‘to, ang umayaw sa kanya,” ayon kay Castro.
“Maaari po siguro sa kanyang mga paniniwala o sa kanyang mga adhikain, pero isa lang pong ibig sabihin nito, inayawan po siya ng kanyang grupo at siya po ay pinalitan sa posisyon na siguro noon pa niya inaasam at nakuha niya pero nawala sa kanya,” aniya pa rin.
Winika pa ni Castro na ang minority bloc ay binubuo ng ilang mambabatas na kritikal kay Pangulong Marcos kabilang na sina Cong. Leila de Lima at Chel Diokno.
Kaya malinaw aniya na walang direktiba mula sa Pangulo o mula sa ibang opisyal ng pamahalaan para alisin si Erice mula sa kanyang posisyon.
“Ito po ba ay madidiktahan mismo? Hindi po ito madidiktahan ng Pangulo, hindi po ito madidiktahan ni Congressman Marcos. So,tanggapin na naman po niya na siya po ay inayawan,” ani Castro.
Aniya pa rin, ang situwasyon ay sumasalamin sa internal group dynamics sa loob ng minority bloc at hindi dahil sa umano’y anumang pakikialam mula sa Palasyo.
Idinagdag pa niya na ang desisyon na palitan si Erice ay nag-ugat mula sa magkakaibang paniniwala o layunin ng mga mambabatas.
Nauna rito, inakusahan ni Erice si House Majority Leader Sandro Marcos na umano’y may kinalaman sa kanyang pagtanggal bilang Senior Deputy Minority Leader.
Ayon kay Erice, ipinaalam sa kanya ni Minority Leader Marcelino Libanan ang kanyang pagpapalit at sinabing may “pressure from above,” lalo na tuwing binabatikos niya ang mga polisiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa hiwalay na privilege speech, sinabi ni Erice na wala siyang sama ng loob sa kanyang kapalit na si Rep Leila de Lima, ngunit iginiit niyang tila hindi tinatanggap ng liderato ng Kamara ang lehitimong kritisismo, lalo na sa usapin ng national budget at flood control projects.
Itinanggi naman ni Libanan na may pressure mula sa itaas at sinabing bahagi lamang ito ng internal na desisyon ng minority bloc. Pinabulaanan din ni Deputy Speaker Janette Garin ang alegasyon na nakialam ang majority sa pagpili ng mga opisyal ng minorya.
Nanindigan si Erice na matagal nang alam sa Kamara ang impluwensiya ng majority sa pamumuno ng minority bloc, at iginiit na ang kanyang mga pahayag ay laban sa polisiya at hindi personal na pag-atake. KRIS JOSE