MANILA, Philippines – SUMUKO na sa mga awtoridad ang lima sa 17 suspek sa pagkamatay sa hazing ng isang Maritima student sa noong Marso 1 ng hapon.
Ayon sa nakalap na report, kinilala ang mga sumuko na sina alyas John, 22, 3rd year student ng Golden Horizon Villas, Bgy. Hugo Perez, Trece Martires City; alyas Archie, 21, 3rd year student ng Pasong Kawayan 2, Gen. Trias City; alyas Kenneth, 18, 1st year student ng Brgy. Balite, Montalban, Rizal at alyas John, 19, ng 1-A Riverside St., Dasmariñas City, pawang nag-aaral sa Philippine Nauitica ang Technology College (PNTC).
Sa panibagong ulat, mayroon ding isa pa sa mga suspek ang sumuko nang personal kay Dasmarinas City Mayor Jenny Barzaga na hindi na pinangalanan.
Kabilang sila sa 17 pinangalanang suspek kaugnay sa pagkamatay sa hazing ng biktimang si Mark Kenneth Alcedo, Maritime student ng PNTC.
Ang apat na suspek ay sumuko bandang alas-8:45 kamakalawa ng gabi sa General Trias Component City Police Station kasama ang mga abogadong sina Atty Colina at Atty Olares at mga representatives ng Tau Gamma Phi National Council kaugnay sa kasong isinampa sa kanila.
Nagsumite rin ang apat ng kanilang pinirmahang sinumpaang salaysay sa harap ng kanilang aboagadong si Atty Olares at nasa kustodiya ng Gen Trias Component City Police Station.
Matatandaan na unang dinala sa Gen Trias Medicare Hospital si Mark sakay ng isang Mitsubishi Mirage na may plakang NAV 9498 na minaneho ng unang sumukong suspek na si alyas John at nahaharap sa kasong paglabag sa RA11053 o Anti-Hazing Law na sinabing biktima ng hit and run si Mark subalit maatpos suriin ng doktor ay lumalabas na ito ay biktima ng hazing. MARGIE BAUTISTA