MANILA, Philippines – Isang panukalang batas na tinawag na “Ginhawa sa Kuryente” ang iinihain sa House of Representatives ng mga mambabatas na kasapi ng Lakas-CMD na nagsusulong na mabigyan ng 50% na diskwento sa kuryente ang mga minimum wage earners.
Ang House Bill 8191 na inakda sa pangunguna ni Leyte Rep Martin Romualdez ay tugon sa patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente, maliban sa pagbibigay diskuwento sa mga minimum wage earners at nakapaloob din sa panukala na aawtomatiko nang nakaenrol sa lifeline rate ang mga nasa marginalized consumers.
Sina Deputy Speaker David Suarez at Deputy Speaker Jay Khonghun ang naghain ng panukala bilang kinatawan ng Lakas-CMD.
Sinabi ni Suarez na isusulong ng partido ang agarang pagpasa ng panukala dahil ito ang mga batas na mararamdaman agad ng taumbayan ang kaginhawahan.
Gayundin ang pahayag ni Khonghun, aniya, ang elektrisidad ay basic needs kaya ang mababang singil say malaking tulong sa pamilya.
Nakapaloob sa panukala na para hindi ito maabuso ay maglalagay ng safeguards gaya ng pagkakaroon ng “one-household, one-account rule” at limitasyon sa principal residence.
“The bill also provides for time-bound eligibility with periodic revalidation, as well as penalties for fraud or misrepresentation,” paliwanag ni Romualdez.
Sa oras na maisabatas ay bubuo ng inter-agency monitoring at oversight committee na pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasama ang Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Energy (DOE). Gail Mendoza