Home NATIONWIDE PH Embassy sa Saudi naglabas ng gabay sa emergency warning messages

PH Embassy sa Saudi naglabas ng gabay sa emergency warning messages

189
0

MANILA, Philippines — Naglabas ng mga alituntunin ang Philippine Embassy sa Saudi Arabia para sa mga Pilipino kung paano tutugon sa mga warning message mula sa National Early Warning Platform for Emergency Situations sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa Middle East.

Sa advisory ng Embahada nitong Lunes, sinabi na ang mga gabay ay batay sa mga tagubilin ng Saudi Civil Defense.

Pinayuhan ang mga Pilipino na manatiling kalmado, sundin ang opisyal na mga instruksyon, at agad na pumunta sa pinakamalapit na ligtas na lugar tulad ng loob ng gusali o silid na malayo sa mga bintana hanggang sa lumipas ang panganib.

Pinayuhan din ang publiko na lumayo sa mga bukas na lugar, bintana, salamin, balkonahe at bubong, at huwag munang lumabas ng bahay o gusali hangga’t hindi pa ligtas ang sitwasyon.

Kung nasa labas, hinihikayat ang mga tao na pumasok sa pinakamalapit na gusali o magtago sa likod ng matibay na harang. Kung nagmamaneho naman, pinapayuhang huminto sa gilid ng kalsada at umiwas sa mga tulay at matataas na gusali.

Pinag-iingat din ang publiko laban sa pagpunta sa matataong lugar, pagpasok sa mapanganib na lugar, at pagkuha ng larawan habang may emergency.

Kung may mapansing panganib, maaaring tumawag sa emergency number na 911 sa mga rehiyon ng Makkah, Madinah, Riyadh at Eastern Province, at 988 sa iba pang bahagi ng Saudi Arabia.

Pinayuhan din ang mga Pilipino na patuloy na subaybayan ang mga anunsyo mula sa mga opisyal na source tulad ng Philippine Embassy sa Riyadh at Philippine Consulate General sa Jeddah.

Samantala, maaaring tumawag nang libre sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas ang mga OFW na apektado ng sigalot sa Middle East sa pamamagitan ng Libreng Tawag Program na inilunsad ng isang telecom firm upang suportahan ang mga Pilipino sa Iran, Iraq, Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar, United Arab Emirates, at Saudi Arabia.

Ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong ay maaaring makipag-ugnayan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) emergency hotlines: Metro Manila — 1348; Regional — 02-1348; sa Viber — +63-915-079-5005 (Globe), +63-969-169-7068 (Smart), at +63-966-473-9543 (Globe). Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here